Hoseas 8
8
Parurusahan ng Diyos ang Israel
1“Hipan ninyo ang trumpeta
upang bigyang babala
ang aking mga mamamayan,
ang Israel na itinuturing
na tahanan ng Panginoon,#8:1 Israel … tahanan: O templo ko.
na lulusubin sila
ng kalabang kasimbilis ng agila.
Sapagkat sinira nila ang kasunduan ko
sa kanila
at nilabag nila
ang aking Kautusan.
2Sumasamo sila sa akin,
‘Diyos ng Israel,
kinikilala ka namin.’
3Ngunit itinakwil nila ang mabuti,
kaya hahabulin sila
ng kanilang kalaban.
4Pumili sila ng mga hari
at mga opisyal na hindi ko pinili.
Gumawa sila ng mga diyos-diyosan
mula sa kanilang mga pilak at ginto,
at ang mga ito ang nagdala
sa kanila sa kapahamakan.
5Itinatakwil ko#8:5 ko: Sa Hebreo, niya.
ang diyos-diyosang
baka ng mga taga-Samaria.
Galit na galit ako sa kanila.
Hanggang kailan sila
mananatiling marumi?
6Ang diyos-diyosang baka ng Samaria
ay ginawa lamang
ng mga platero na taga-Israel.
Hindi iyon Diyos!
Tiyak na dudurugin iyon.
7“Para silang naghahasik ng hangin
at nag-aani ng buhawi.#8:7 Para … buhawi: Maaaring ang ibig sabihin nito, dahil sa kanilang mga ginagawa na walang kabuluhan, matinding parusa ang igaganti sa kanila.
Para ding trigo na walang uhay,
kaya walang makukuhang pagkain.
At kung mamumunga man,
taga-ibang bansa naman
ang lalamon nito.
8Ang Israel ay nilamon
ng ibang bansa.
At ngayong nakikisalamuha siya sa kanila,
para na siyang kasangkapang
walang silbi.
9Para siyang asnong-gubat
na nag-iisa at naliligaw.
Humingi siya ng tulong sa Asiria;
binayaran niya#8:9 niya: Sa Hebreo, Efraim. Makikita rin ang salitang Efraim sa Hebreo sa talata 11|HOS 8:11. Tingnan ang talababa sa 4:17. ang kanyang
mga kakamping bansa
para ipagtanggol siya.
10Ngunit kahit nagpasakop siya
sa mga bansang iyon,
titipunin ko ngayon
ang kanyang mga mamamayan
at parurusahan.
At magsisimula na
ang kanilang paghihirap
sa pang-aapi ng isang hari
at ng mga opisyal#8:10 isang hari at ng mga opisyal: O mga hari at mga opisyal o makapangyarihang hari. niya.
11“Nagpagawa nga sila
ng maraming altar
para sa mga handog sa paglilinis,
subalit doon din
sila gumawa ng kasalanan.
12Kahit sa kanilaʼy ipinagkaloob ko
ang lahat kong kautusan,
ngunit sa kanilang paningin,
wariʼy hindi para sa kanila ang mga ito.
13Naghahandog sila sa akin
at kinakain nila ang karneng handog,#8:13 kinakain … handog: Ayon sa Lev. 7:11‑18, ang karneng inialay bilang handog pangkapayapaan ay kakainin ng pamilya ng naghandog at ng mga pari.
ngunit hindi nalulugod
ang Panginoon sa kanila.
At ngayon aalalahanin ko
ang kanilang kasamaan
at parurusahan ko sila
dahil sa kanilang mga kasalanan.
Babalik sila sa Ehipto.
14Kinalimutan ng mga taga-Israel
ang lumikha sa kanila.
Sila at ang mga taga-Juda
ay nagtayo ng mga palasyo#8:14 palasyo: O templo.
at maraming napapaderang bayan.
Ngunit susunugin ko
ang kanilang mga lungsod
at ang matitibay na bahagi nito.”
Kasalukuyang Napili:
Hoseas 8: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.