Genesis 29:20-35
Genesis 29:20-35 ASD
Kaya naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon upang mapangasawa niya si Raquel. Dahil sa pagmamahal niya kay Raquel, parang ilang araw lang sa kanya ang pitong taon. Pagkalipas ng pitong taon, sinabi ni Jacob kay Laban, “Natapos na ang paglilingkod ko sa inyo, kaya ibigay nʼyo na sa akin si Raquel upang magsama na kami.” Kaya nagdaos si Laban ng handaan at inimbitahan niya ang lahat ng tao sa lugar na iyon. Ngunit kinagabihan, sa halip na si Raquel ang dalhin ni Laban kay Jacob, si Lea ang dinala niya. At sumiping si Jacob kay Lea. (Ibinigay ni Laban kay Lea ang alipin niyang babae na si Zilpa upang maging alipin nito.) Kinabukasan, nalaman ni Jacob na si Lea pala ang kasiping niya. Kaya pinuntahan niya si Laban at sinabi, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Naglingkod ako sa iyo upang mapangasawa ko si Raquel. Ngayon, bakit niloko mo ako?” Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa aming lugar na maunang makapag-asawa ang nakababatang kapatid kaysa sa nakatatandang kapatid. Hintayin mo lamang na matapos ang isang linggong pagdiriwang ng inyong kasal at ibibigay ko agad sa iyo si Raquel, iyan ay kung muli kang maglilingkod ng pitong taon pa.” Pumayag si Jacob sa sinabi ni Laban. Pagkatapos ng isang linggo na pagdiriwang ng kasal nila ni Lea, ibinigay ni Laban kay Jacob si Raquel. Ibinigay ni Laban kay Raquel ang alipin niyang babae na si Bilha upang maging alipin nito. Kaya sumiping din si Jacob kay Raquel. Mas mahal niya si Raquel kaysa kay Lea. Naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon pa. Nakita ng PANGINOON na hindi mahal ni Jacob si Lea, kaya niloob niyang magkaanak si Lea, ngunit si Raquel naman ay hindi. Nagbuntis si Lea at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Ruben, dahil sinabi niya, “Nakita ng PANGINOON ang paghihirap ko, at ngayoʼy tiyak na mamahalin na ako ng aking asawa.” Muli siyang nagbuntis at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng PANGINOON ng isang anak na lalaki dahil narinig niya na hindi ako minamahal ng aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Simeon. Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, magiging malapít na sa akin ang aking asawa dahil tatlo na ang anak naming lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Levi. Muling nagbuntis si Lea at nanganak na naman ng isang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, pupurihin ko ang PANGINOON.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Juda. Mula noon, hindi na siya nagkaanak.


