Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 2:1-14

Mga Taga-Galacia 2:1-14 ASD

Makalipas ang labing-apat na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem, kasama sina Bernabe at Tito. Bumalik ako dahil ipinahayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta roon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito upang masiguro kong hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila ipinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Hudyo. Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin upang sirain ang kalayaang natamo natin kay Kristo Hesus, at gawin ulit tayong alipin. Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita. Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Diyos.) Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Diyos sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Hentil, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Hudyo. Sapagkat ang Diyos na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Hudyo ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga Hentil. Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Diyos ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga Hentil, at sila naman ang mangangaral sa mga Hudyo. Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin. Noong dumating si Pedro sa Antioquia, pinagsabihan ko siya nang harapan dahil mali ang ginawa niya. Sapagkat bago dumating ang ilang tao mula kay Santiago, kumakain si Pedro kasama ng mga Hentil. Ngunit nang dumating ang mga iyon, nagsimula na siyang umiwas at ayaw nang kumaing kasama ng mga Hentil. Natakot siya sa maaaring sabihin ng mga Hudyong nagpupumilit na magpatuli ang mga Hentil upang maligtas. Pati tuloy ang ibang mga kapatid na Hudyo ay nakigaya sa pagkukunwari niya, at maging si Bernabe ay napagaya na rin. Nang makita kong hindi na ayon sa katotohanan ng Magandang Balita ang ginagawa nila, pinagsabihan ko si Pedro sa harap ng lahat, “Bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay na parang mga Hudyo? Ikaw nga mismo na isang Hudyo ay namumuhay na parang Hentil.”