Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezra 5

5
Ipinagpatuloy ang Pagpapatayo ng Templo
1Ngayon, inutusan ng Diyos ng Israel ang mga propeta na sina Hagai at Zacarias na apo ni Ido para sabihin ang mensahe niya sa mga Hudyo sa Jerusalem at sa buong Juda. 2Bilang pagtugon, sinimulan nina Zerubabel na anak ni Selatiel at Josue na anak ni Josadac ang muling pagtatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong rin sa kanila.
3Ngunit hindi nagtagal, dumating sa Jerusalem si Tatenai na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates, si Setar-bozenai, at ang mga kasama nila. Nagtanong sila#5:3 sila: Ito ang nasa tekstong Septuagint at Syriac. Ngunit sa wikang Arameo, kami. sa mga Hudyo, “Sino ang nag-utos sa inyo na ipagpatuloy ang pagpapatayo ng Templong ito?” 4Nagtanong pa sila, “Ano-ano ang mga pangalan ng mga taong gumagawa ng gusaling ito?” 5Ngunit dahil iningatan ng Diyos ang mga tagapamahala ng mga Hudyo, hindi sila napatigil sa pagpapatayo hanggang sa maipaalam kay Haring Dario ang tungkol dito at makatanggap sila ng kanyang sagot.
6Ito ang nilalaman ng sulat na ipinadala ni Tatenai na gobernador, Setar-bozenai at ang kanilang mga kasamang opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates kay Haring Dario:
7Mahal na Haring Dario,
Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.
8“Ipinapaalam po namin, Mahal na Hari, na pumunta kami sa lalawigan ng Juda, doon sa pinagtatayuan ng Templo ng Makapangyarihang Diyos. Malalaking bato ang ginagamit sa pagpapatayo ng Templo, at ang mga pader nito ay nilagyan ng mga troso. Ginagawa po nila ito nang may kasipagan, kaya mabilis ang pagpapatayo nito.
9“Tinanong po namin ang mga tagapamahala nila kung sino ang nag-utos sa kanila sa muling pagpapatayo ng Templo. 10At tinanong din namin ang mga pangalan nila upang maipaalam namin sa inyo kung sino ang mga namumuno sa pagpapatayo nito.
11“Ito po ang sagot nila sa amin:
“Mga lingkod kami ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming ipinapatayo ang Templo na itinayo noon ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos sa langit, pinabayaan niya sila na sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia#5:12 ng Babilonia: O na Caldeo.. Giniba ni Nebucadnezar ang Templong ito at binihag niya sa Babilonia ang aming mga ninuno.
13“Ngunit sa unang taon ng paghahari ni Haring Ciro sa Babilonia, nag-utos siya na muling ipatayo ang bahay ng Diyos. 14Ibinalik din niya ang mga kagamitang ginto at pilak ng Templo ng Diyos. Ang mga ito ay kinuha noon ni Nebucadnezar sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa templo sa Babilonia. Ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na pinili niyang gobernador ng Juda. 15Sinabi ng hari kay Sesbazar na muling ipatayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem sa dati nitong pinagtayuan, at ilagay doon ang mga kagamitan nito.
16“Kaya pumunta si Sesbazar sa Jerusalem at itinayo niya ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos. Hanggang ngayon ay ginagawa pa ang Templo; hindi pa ito tapos.
17“Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, ipasaliksik po ninyo ang mga kasulatan na ipinatago ng mga hari ng Babilonia kung totoo nga bang nag-utos si Haring Ciro na muling ipatayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem. At agad ninyo pong ipaalam sa amin kung ano ang inyong pasya tungkol dito.”

Kasalukuyang Napili:

Ezra 5: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in