Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 4:6-31

Exodus 4:6-31 ASD

Sinabi pa ng PANGINOON, “Ilagay mo ang kamay mo sa loob ng damit mo.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ang kanyang kamay, namuti ito dahil tinubuan ng isang malubhang sakit sa balat. Sinabi ng PANGINOON, “Muli mong ilagay ang kamay mo sa loob ng iyong damit.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ito, maayos na muli ito katulad ng ibang bahagi ng kanyang katawan. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON, “Kung hindi sila maniwala sa unang himala, sa ikalawaʼy maniniwala na sila. Ngunit kung hindi pa rin sila maniwala sa iyo pagkatapos ng dalawang himala, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo at ibuhos mo ito sa tuyong lupa, at magiging dugo ito.” Sinabi ni Moises, “PANGINOON, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.” Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Sino ba ang lumikha ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi ang tao? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag sila? Hindi ba ako, na PANGINOON? Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.” Ngunit sinabi ni Moises, “O Panginoon, kung maaari po magpadala na lang kayo ng iba.” Nagalit nang matindi ang PANGINOON kay Moises. Kaya sinabi niya, “O sige, si Aaron na lang na kapatid mo, na isang Levita ang siyang magsasalita para sa iyo. Alam kong mahusay siyang magsalita. Papunta na siya rito makipagkita sa iyo. Matutuwa siyang makita ka. Kausapin mo siya at turuan kung ano ang kanyang sasabihin. Tutulungan ko kayong dalawa sa pagsasalita, at tuturuan ko rin kayo kung ano ang gagawin ninyo. Si Aaron ang magsasalita sa mga tao para sa iyo. Turuan mo siya ng mga sasabihin niya na parang ikaw ang Diyos. Dalhin mo ang tungkod mo para sa pamamagitan nito ay makagawa ka ng mga himala.” Bumalik si Moises sa biyenan niyang si Jetro at sinabi sa kanya, “Payagan po ninyo akong bumalik sa mga kababayan ko sa Ehipto upang tingnan kung buháy pa sila.” Sinabi ni Jetro, “Humayo ka, at maging maayos sana ang paglalakbay mo.” Bago umalis si Moises sa Midian, sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Bumalik ka na sa Ehipto. Patay na ang mga gustong pumatay sa iyo.” Kaya kinuha ni Moises ang asawa niya at mga anak na lalaki, at pinasakay sa asno at bumalik sa Ehipto. Dinala rin niya ang tungkod ng Diyos. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Pagdating mo sa Ehipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang lahat ng kababalaghang ipinapagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin iyan. Ngunit patitigasin ko ang puso ng hari upang hindi niya payagang umalis ang mga Israelita. Pagkatapos, sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ng PANGINOON na: Itinuturing ko ang Israel na panganay kong anak na lalaki, kaya iniuutos ko sa iyo na payagan mo silang umalis upang makasamba sa akin, pero hindi ka pumayag. Kaya papatayin ko ang panganay mong na anak na lalaki!’ ” Nang naglalakbay na sina Moises at ang kanyang pamilya, nagpahinga sila sa isang bahay-pahingahan. Pinuntahan ng PANGINOON si Moises at pinagtangkaang patayin. Ngunit kumuha si Zipora ng matalim na batong gawa sa bato at tinuli ang kanyang anak, at idinikit niya sa paa ni Moises ang naputol na balat. At sinabi niya, “Totoong ikaw ay asawa ko na sa dugo.” (Ang sinabi niya ay may kaugnayan sa dugo ng pagtutuli.) Kaya hindi pinatay ng PANGINOON si Moises. Samantala, sinabi ng PANGINOON kay Aaron, “Lumakad ka at salubungin si Moises sa disyerto.” Kaya sinalubong niya si Moises sa Bundok ng Diyos at hinagkan bilang pagbati. Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng iniutos ng PANGINOON na sabihin niya, at ang lahat ng himalang iniutos ng PANGINOON na gawin niya. Kaya lumakad ang dalawa, at tinipon ang lahat ng pinuno ng Israel. Sinabi sa kanila ni Aaron ang lahat ng sinabi ng PANGINOON kay Moises. At ginawa ni Moises ang mga himala sa harap ng mga tao, at naniwala sila. Nang malaman nilang nagmamalasakit ang PANGINOON sa kanila at nakikita niya ang mga pagdurusa nila, lumuhod sila at sumamba sa PANGINOON.