Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 32

32
Ang Gintong Guya
(Deu. 9:7‑29)
1Nang mapansin ng mga tao na masyado nang matagal si Moises sa bundok at wariʼy matagal pa ang pagbabalik, lumapit sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng diyos#32:1 diyos: O mga diyos. Ganito rin sa talata 4|EXO 32:4, 8|EXO 32:8, 23|EXO 32:23 at 31|EXO 32:31. na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Ehipto.”
2Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” 3Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. 4Tinipon ni Aaron ang mga ito, tinunaw at hinugis na diyos-diyosang kaanyo ng guya. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang diyos natin na naglabas sa atin sa Ehipto.”
5Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” 6Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog pangkapayapaan. Pagkatapos, umupo sila upang kumain at uminom, at tumayo upang magpakasaya.
7Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Ehipto. 8Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng diyos-diyosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa diyos-diyosang ito at sinabi, ‘Ito ang diyos natin na naglabas sa atin sa Ehipto.’ ”
9At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Sa halip, ikaw at ang iyong angkan ay gagawin kong isang dakilang bansa.”
11Ngunit nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Diyos, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Ehipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12Ano na lang po ang sasabihin ng mga Ehipsiyo, na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Ehipto para lang patayin sila sa kabundukan at lipulin sa balat ng lupa? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo. Maghunos-dili po kayo, at huwag ninyo silang parusahan. 13Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.
15Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong kinasusulatan ng mga utos ng Diyos. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. 16Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang malalapad na bato at ng mga nakaukit na salitang nakasulat dito.
17Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.”
18Sumagot si Moises,
“Hindi ingay ng digmaan
ang naririnig ko
kundi ingay ng mga awitan.”
19Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang guya at sayawan, kaya nag-apoy ang galit niya. Inihagis niya ang malalapad na batong dala niya, at nabasag ang mga ito sa paanan ng bundok. 20Pagkatapos, kinuha niya ang guya na ginawa nila at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel.
21Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ano ba ang ginawa ng mga tao sa iyo at pinabayaan mo silang magkasala?”
22Sumagot si Aaron, “Huwag po kayong magalit sa akin. Alam nʼyo kung gaano sila kadaling gumawa ng kasamaan. 23Sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng diyos na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Ehipto.’ 24Kaya sinabi ko sa kanila na dalhin nila sa akin ang mga alahas nilang ginto. Nang madala nila ito sa akin, inihagis ko ito sa apoy at mula roon, nabuo itong baka.”
25Nakita ni Moises na nagwawala ang mga tao at pinababayaan lang sila ni Aaron. Dahil dito, naging katawa-tawa sila sa mga kaaway nila sa palibot. 26Kaya tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Sinuman sa inyo na pumapanig sa Panginoon, lumapit sa akin!” At nagtipon sa kanya ang lahat ng mga Levita.
27Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na isukbit ng bawat isa sa inyo ang mga espada ninyo, libutin ninyo ang buong kampo, at patayin ninyo lahat kahit kapatid pa ninyo, kaibigan o kapitbahay.” 28Sinunod ng mga Levita ang iniutos sa kanila ni Moises, at nang araw na iyon 3,000 ang taong namatay. 29Sinabi ni Moises sa mga Levita, “Ibinukod kayo ng Panginoon sa araw na ito, dahil pinagpapatay ninyo kahit mga anak ninyo at mga kapatid. Kaya binasbasan niya kayo sa araw na ito.”
30Nang sumunod na araw, sinabi ni Moises sa mga tao, “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan. Ngunit aakyat ako ngayon sa bundok, doon sa Panginoon; baka matulungan ko kayong mapatawad sa inyong mga kasalanan.”
31Kaya bumalik si Moises sa Panginoon at sinabi, “Malaking kasalanan po ang nagawa ng mga taong ito. Gumawa sila ng diyos-diyosang ginto. 32Ngunit ngayon, patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na lang ninyo ang aking pangalan sa aklat na sinulatan nʼyo ng pangalan ng inyong mga mamamayan.”
33Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat ko. 34Lumakad ka na at pangunahan ang mga tao papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo, at pangungunahan kayo ng anghel ko. Ngunit darating ang panahon na paparusahan ko sila sa mga kasalanan nila.”
35At nagpadala ang Panginoon ng mga karamdaman sa mga Israelita dahil sinamba nila ang diyos-diyosang baka na ginawa ni Aaron.

Kasalukuyang Napili:

Exodus 32: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in