Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 3:1-8

Exodus 3:1-8 ASD

Isang araw, inaalagaan ni Moises ang kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari ng Midian. Dinala niya ang kawang ito sa malayong bahagi ng ilang at nakarating siya sa Horeb, ang bundok ng Diyos. Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng PANGINOON sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.” Nang makita ng PANGINOON na papalapit si Moises upang tumingin, tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!” Sumagot si Moises, “Narito po ako.” Sinabi ng Diyos, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Diyos. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Ehipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga pagdurusa. Kaya bumaba ako upang iligtas sila sa kamay ng mga Ehipsiyo, at upang dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at mga Jebuseo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Exodus 3:1-8