“Magpagawa ka ng Tabernakulo gamit ang sampung piraso ng tabing na gawa sa hinabing pinong lino at lanang asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin sa mahusay na mambuburda. Kailangang magkakasukat ang lahat ng tabing, apatnapuʼt dalawang talampakan ang haba at anim na talampakan ang lapad. Pagdugtong-dugtungin ito ng tiglilima. At pagawan mo ng parang singsing na gawa sa telang asul ang pinakadulong gilid ng bawat pinagdugtong na tabing, limampung parang singsing sa isang tabing at limampu rin sa isa pa, at ang mga ito ay kailangang magkatapat sa isaʼt isa. Magpagawa ka ng limampung kawit na ginto upang mapagkabit ang parang mga singsing sa dalawang pinagdugtong na tabing. Sa pamamagitan nito, magiging buo ang Tabernakulo. “Pagawan mo ng talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. Kailangang may haba na apatnapuʼt limang talampakan ang bawat tela at anim na talampakan ang lapad. Pagdugtong-dugtungin mo ang limang tela at ganoon din ang gawin sa natirang anim. Ang ikaanim naman ay tutupiin at ilalagay sa harap ng tolda. Palagyan mo rin ng limampung parang singsing ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela. Pagkatapos ay gumawa ka ng limampung tansong kawit at ilagay ang mga ito sa mga silo para idugtong sa tolda. Ilaylay mo sa likod ng Tolda ang kalahati ng sobrang tela, at ilaylay din sa bawat gilid ang isaʼt kalahating talampakan ng tela na sobra sa pangtalukbong ng Tolda. Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.
Basahin Exodus 26
Makinig sa Exodus 26
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Exodus 26:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas