Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 25:23-40

Exodus 25:23-40 ASD

“Magpagawa ka rin ng mesang akasya, na may sukat na tatlumpuʼt anim na pulgada ang haba, labingwalong pulgada ang lapad at dalawampuʼt pitong pulgada ang taas. Balutan mo ito ng purong ginto at lagyan ng hinulmang ginto ang mga paligid nito. Palagyan nʼyo rin ito ng sinepa sa bawat gilid, apat na pulgada ang lapad, at palagyan ng hinulmang ginto ang sinepa. Magpagawa ka rin ng apat na argolyang ginto at ikabit sa apat na sulok ng mesa, malapit sa sinepa. Dito ninyo ipasok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. Dapat ay akasya ang tukod at nababalutan ng ginto. “Magpagawa ka rin ng mga pinggan, tasa, banga at mga mangkok na gagamitin para sa handog na inumin. Kailangang purong ginto ang mga ito. At kailangang palaging lagyan ng tinapay na inihahandog sa aking presensya ang mesang ito. “Magpagawa ka rin ng ilawan na gawa sa pinitpit na purong ginto ang paa, katawan at mga palamuting hugis bulaklak, na ang ibaʼy buko pa lang at ang ibaʼy nakabuka na. Ang palamuting ito ay dapat kasama nang gagawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. Ang ilawan ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. Ang bawat sanga nito ay may tatlong palamuting hugis bulaklak ng almendra na may kasamang usbong at talulot. Ang katawan ng ilawan ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendra, na ang ibaʼy buko pa at ang ibaʼy nakabuka na. May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng sanga na galing sa katawan nito, at lahat ay gawa sa isang piraso. Ang mga palamuting bulaklak at ang mga sanga ay isang piraso lamang nang hinulma ang lalagyan ng ilaw na yari sa pinanday na purong ginto. “Magpagawa ka ng pitong ilawan at ilagay sa lalagyan nito upang mailawan ang lugar sa harapan nito. Ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw at mga pansahod ng abo ng ilaw ay dapat purong ginto rin. Ang kailangan mo sa pagpapagawa ng ilawan at sa lahat ng kagamitan nito ay tatlumpuʼt limang kilo ng purong ginto. Siguraduhin mong ipapagawa mo ang lahat ng ito ayon sa planong ipinakita ko sa iyo rito sa bundok.