Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ester 3:1-12

Ester 3:1-12 ASD

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Asuero sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo. Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. At sinabi niyang isa siyang Hudyo. Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Hudyo. Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay-galang, nagalit siya nang labis. At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Hudyo, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Hudyo sa buong kaharian ni Haring Asuero. Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan, noong ikalabindalawang taon ng paghahari ni Asuero, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “Pur”.) At ang nabunot ay ang ikalabindalawang buwan, ang buwan ng Adar. Sinabi ni Haman kay Haring Asuero, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang lalawigan ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila. Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.” Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak, at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Hudyo. Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Hudyo.” Kaya noong ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga lalawigan, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Asuero at tinatakan ng singsing nito.