5
  1Kaya tularan ninyo ang Diyos dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. 2Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Kristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Diyos.
  3Hindi kayo dapat maparatangan na gumagawa ng kahit anong seksuwal na imoralidad, kalaswaan o kasakiman, dahil hindi ito nararapat sa mga hinirang ng Diyos. 4At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Diyos. 5Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Kristo at ng Diyos. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga diyos-diyosan.
  6Huwag kayong padadala sa mga walang kabuluhang pangangatwiran, sapagkat dahil sa mga bagay na itoʼy kinapopootan ng Diyos ang mga suwail. 7Kaya huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito.
  8Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, ngunit ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayoʼy nasa Panginoon na. Ipakita ninyo sa inyong pamumuhay na naliwanagan na kayo. 9(Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.) 10Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. 11Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ilantad ninyo ang kasamaan nila. 12Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. 13Ngunit kung pagsasabihan ninyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. 14Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag. Kaya nga sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay
at liliwanagan ka ni Kristo.”
  15Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo mamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong. 16Samantalahin ninyo ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti, dahil marami ang gumagawa ng kasamaan sa panahong ito. 17Kaya huwag kayong kumilos nang hindi nag-iisip, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
  18Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Espiritu. 19Mag-usap-usap kayo gamit ang mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20Palagi kayong magpasalamat sa Diyos Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Hesu-Kristo.#5:20 bilang mananampalataya … Kristo: Sa literal, sa pangalan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
Aral sa mga Mag-asawa
  21Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Kristo.
  22Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Kristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.
  25Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Kristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya 26upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita ng Diyos. 27Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. 28Gayundin naman, dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Kristo sa kanyang iglesya, 30sapagkat mga bahagi tayo ng kanyang katawan.
  31Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”#5:31 Gen. 2:24.  32Napakalalim ng kahulugan ng misteryong ito, ngunit ang tinutukoy ko ay si Kristo at ang kanyang iglesya. 33Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.