4
Iisang Katawan kay Kristo
1Kaya bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Diyos. 2Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. 3Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa ninyo mula sa Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. 4Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Diyos; 5iisang Panginoon, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. 6Iisa ang Diyos at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.
7Ngunit binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Kristo. 8Tulad ng sinasabi sa Kasulatan:
“Nang umakyat siya sa langit,
marami siyang dinalang bihag
at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”#4:8 Salmo 68:18.
9(Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga hinirang, at sa gayoʼy lumago at maging matatag tayo bilang katawan ni Kristo. 13Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at ganap na lalago sa espirituwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Kristo.
14At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15Sa halip, ipapahayag natin ang katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay higit tayong maging katulad ni Kristo na siyang ulo ng iglesya. 16Sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan ay nagkakaugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagkakaisa sa kanilang pagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin, ang buong katawan ay lalago at lalakas sa kanilang pagmamahalan.
Ang Bagong Buhay kay Kristo
17Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espirituwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Diyos dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.
20Ngunit hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Kristo. 21Kung totoo ngang narinig na ninyo ang tungkol sa kanya at natutunan ang katotohanang nakay Hesus, 22iwanan na ninyo ang dati ninyong pagkatao at pamumuhay. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23Baguhin na ninyo ang inyong pag-iisip at pag-uugali, 24at isuot ang bago ninyong pagkatao na nilikhang naaayon sa matuwid at banal na Diyos.
25Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid#4:25 Tingnan sa Zac. 8:16. kay Kristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26Kung magalit man kayo, “huwag kayong magkasala”#4:26 Salmo 4:4. Ito ay hango sa saling Septuagint.. At huwag ninyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan.
29Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Diyos. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Diyos, at siya ang katiyakan ng kaligtasan ninyo pagdating ng araw. 31Alisin ninyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin.
32Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Diyos sa inyo dahil kay Kristo.