Mga Taga-Efeso 4:26-32
Mga Taga-Efeso 4:26-32 ASD
Kung magalit man kayo, “huwag kayong magkasala”. At huwag ninyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Diyos. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Diyos, at siya ang katiyakan ng kaligtasan ninyo pagdating ng araw. Alisin ninyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Diyos sa inyo dahil kay Kristo.








