Mga Taga-Efeso 2
2
Binuhay Kayo Kasama ni Kristo
1Noong una, itinuring kayong mga patay dahil sa mga pagsuway ninyo at mga kasalanan. 2Namumuhay kayo dati sa kasalanan, gaya ng mga taong makamundo. Sakop kayo noon ng pinuno ng mga espiritung naghahari sa mundo. At siya ang espiritung kumikilos sa puso ng mga taong ayaw sumunod sa Diyos. 3Dati, namuhay din tayong katulad nila. Namuhay tayo ayon sa pagnanasa ng laman at sinunod natin ang masasamang hilig ng katawan at pag-iisip. Sa kalagayan nating iyon, kasama rin sana nila tayo na nararapat parusahan ng Diyos.
4Ngunit napakamaawain ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin, 5na kahit itinuring tayong patay dahil sa mga kasalanan natin, muli niya tayong binuhay kasama ni Kristo. (Kaya naligtas tayo dahil lamang sa biyaya ng Diyos.) 6At dahil sa pakikipag-isa natin kay Kristo Hesus, binuhay tayo ng Diyos mula sa mga patay kasama ni Kristo, upang maghari tayong kasama niya sa kaharian sa langit. 7Ginawa niya ito upang sa darating na panahon ay maipakita niya sa lahat ang hindi mapapantayang kasaganaan ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng kanyang kabutihan sa atin na nasaksihan natin kay Kristo Hesus. 8Sapagkat dahil sa biyaya ng Diyos ay naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Kristo. Kaloob ito ng Diyos, at hindi galing sa inyo. 9Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, upang walang maipagmalaki ang sinuman. 10Nilikha tayo ng Diyos; at sa pakikipag-isa natin kay Kristo Hesus, binigyan niya tayo ng bagong buhay, upang gumawa tayo ng kabutihan na noon paʼy itinalaga na ng Diyos na gawin natin.
11Alalahanin ninyo ang inyong kalagayan noon bilang mga Hentil. Ipinanganak kayong Hentil at sinasabi ng mga Hudyo na wala kayong kaugnayan sa Diyos dahil sa hindi kayo katulad nila na mga tuli, pero ang pagkakatuling ito ay sa laman lang. 12Alalahanin rin ninyo na noon ay hindi nʼyo pa kilala si Kristo; hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Diyos na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito nang walang pag-asa at walang Diyos. 13Ngunit kayo ngayon ay nakay Kristo Hesus na. Malayo kayo noon sa Diyos, pero ngayon ay malapit na sa kanya sa pamamagitan ng dugo ni Kristo.
14Sapagkat siya mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan. Inalis niya ang alitang namamagitan sa atin, na animoʼy pader na naghihiwalay sa atin. 15Sa kanyang kamatayan ay pinawalang-bisa niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa niya ito upang maging isang katawan tayong mga Hudyo at mga Hentil, at sa ganitong paraan ay pinagkasundo niya tayo. 16Ngayong pinag-isa na ang dalawa sa iisang katawan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan na niya ang alitan natin at ibinalik niya tayo sa Diyos. 17Pumarito si Kristo at ipinahayag ang Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan sa inyong mga Hentil na noong unaʼy malayo sa Diyos, at maging sa aming mga Hudyo na malapít sa Diyos. 18Ngayon, tayong lahat ay makakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu dahil sa ginawa ni Kristo para sa atin.
19Kaya kayong mga Hentil ay hindi na mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang#2:19 hinirang: Tingnan ang talababa sa 1:1. ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan 20na itinayo sa pundasyong inilatag ng mga apostol at mga propeta, kung saan si Kristo Hesus ang batong panulok. 21Sa pamamagitan ni Kristo, ang lahat ng bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22At dahil kayoʼy nakay Kristo, bahagi na rin kayo nitong gusaling itinatayo, kung saan nananahan ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.
Kasalukuyang Napili:
Mga Taga-Efeso 2: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.