Mga Taga-Efeso 1
1
1Mula kay Pablo na apostol ni Kristo Hesus ayon sa kalooban ng Diyos,
Sa mga hinirang#1:1 hinirang: Sa Griyego, hagios, na ang ibig sabihin ay “itinuring ng Diyos na sa kanya.” Ganito rin sa talata 15|EPH 1:15 at 18|EPH 1:18. ng Diyos na nasa Efeso, mga matatapat na nakay Kristo Hesus:
2Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesu-Kristo.
Mga Espirituwal na Pagpapala
3-4Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesu-Kristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Kristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espirituwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo na maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, 5noong una paʼy itinalaga na niya tayo na maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesu-Kristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban, 6nang sa gayoʼy purihin natin ang Diyos dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa 9upang maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Kristo 10pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Kristo.
11Ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Kristo. 12Ginawa niya ito upang kaming mga naunang sumampalataya kay Kristo ay magbigay-puri sa kanya. 13Kayo man ay napabilang na kay Kristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. 14Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Diyos ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
Ang Panalangin ni Pablo
15Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya ninyo sa ating Panginoong Hesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga hinirang, 16walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos dahil sa inyo. At palagi ko kayong ipinapanalangin. 17Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Hesu-Kristo, ang dakilang Ama, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, upang lalo pa ninyo siyang makilala. 18Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan upang maunawaan ninyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga hinirang. 19Ipinapanalangin ko rin na malaman ninyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang lakas ng kapangyarihang ito 20ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Kristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit. 21Kaya nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihan. Ang kanyang pangalan ay hindi mapapantayan ng anumang kinikilalang pangalan, hindi lang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon. 22Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Kristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat para sa ikabubuti ng iglesya#1:22 iglesya: Ang ibig sabihin, “mga mananampalataya ni Kristo.” 23na siyang katawan niya. Ang iglesya ay ang kabuuan ni Kristo na siyang bumubuo sa lahat.
Kasalukuyang Napili:
Mga Taga-Efeso 1: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.