12
1Alalahanin mo ang lumikha sa iyo
habang ikaw ay bata pa
at bago dumating ang panahon ng kahirapan
at masabi mong,
“Hindi ako masaya sa aking buhay.”
2Alalahanin mo siya
bago dumilim ang araw, ang buwan
at ang mga bituin na parang
natatakpan ng makakapal na ulap.
3Darating ang araw na manginginig
ang iyong mga bisig#12:3 bisig: Sa literal, mga bantay ng bahay.
at manghihina ang iyong mga tuhod.#12:3 tuhod: Sa literal, malalakas na lalaki.
Hindi ka na makakanguyang mabuti
dahil iilan na lang ang iyong ngipin.#12:3 ngipin: Sa literal, mga babaeng tagagiling ng butil.
At lalabo na nang tuluyan
ang iyong paningin.#12:3 paningin: Sa literal, mga babaeng nakasilip sa bintana.
4Ang tainga#12:4 tainga: Sa literal, mga pintuang-bayan. moʼy
hindi na halos makarinig,
kahit ang ingay ng gilingan
o huni ng mga ibon
o mga awitin ay hindi na marinig.
5Matatakot kang umakyat
sa matataas na lugar
o lumakad sa lansangan nang nag-iisa.
Puputi na ang iyong buhok,
hindi ka na halos makakalakad
at mawawala na ang lahat
ng iyong pagnanasa.
Sa bandang huli, pupunta ka
sa iyong tahanang walang hanggan
at marami ang magluluksa para sa iyo
sa mga lansangan.
6Kaya alalahanin mo ang Diyos
habang nabubuhay ka,
habang hindi pa nalalagot
ang kadenang pilak
at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan,
o hindi pa nalalagot ang tali
ng timba sa balon,
at nasisira ang kalo nito.
7Kung magkagayon, babalik ka sa lupa
kung saan ka nagmula
at ang espiritu#12:7 espiritu: O hininga. Tingnan sa Salmo 104:29 at Job 12:10. moʼy babalik sa Diyos
na siyang nagbigay nito.
8Sabi ng mangangaral,#12:8 mangangaral: O guro o isang matalinong tao.
“Walang kabuluhan!
Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”
Paggalang at Pagsunod sa Diyos
9Bukod sa pagiging marunong nitong mangangaral, itinuturo din niya sa mga tao ang lahat ng kanyang nalalaman. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihang binanggit niya rito. 10Pinagsikapan niyang gamitin ang mga nararapat na salita, at ang lahat ng isinulat niya rito ay tama at totoo.
11Ang mga salita ng marunong ay parang matulis na tungkod na pantaboy ng pastol sa paggabay sa kanyang kawan o parang pakong nakabaon. Ibinigay ito ng Diyos na tangi nating tagabantay.
12Anak, mag-ingat ka sa isa pang bagay na ito: Ang pagsusulat ng aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay nakakapagod.
13Ngayong nabasa#12:13 nabasa: Sa Hebreo, narinig. Nag-aaral noon ang mga Israelita sa pamamagitan ng pakikinig. mo
na ang lahat ng ito,
ito ang aking huling payo:
Matakot ka sa Diyos
at sundin mo ang kanyang mga utos,
dahil ito ang tungkulin
ng bawat tao.
14Sapagkat hahatulan tayo ng Diyos
ayon sa lahat ng ating ginagawa,
mabuti man o masama,
hayag man o lihim.