Deuteronomio 21
21
Pagtubos sa Di-Nalutas na Pagpatay
1Kapag naroon na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos na aangkinin ninyo, at may nakita kayong bangkay ng tao at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay dito, 2dapat sukatin ng mga tagapamahala sa inyo kung aling bayan sa palibot ang pinakamalapit kung saan natagpuan ang bangkay. 3Pagkatapos, kukuha ang mga tagapamahala ng bayang iyon ng dumalagang baka na hindi pa nakakapagtrabaho ni nakasuot ng pamatok. 4Dadalhin nila ito sa lambak na palaging dinadaluyan ng tubig, na ang lupa doon ay hindi pa naaararo o natataniman. At doon nila babaliin ang leeg ng dumalagang baka. 5Dapat ding pumunta roon ang mga pari na mula sa lahi ni Levi, dahil pinili sila ng Panginoon na inyong Diyos na maglingkod at magbigay ng basbas sa pangalan ng Panginoon, at magpasya sa lahat ng alitan at pananakit. 6Pagkatapos, ang lahat ng tagapamahala ng bayan sa pinakamalapit na lugar kung saan nakita ang bangkay ay maghuhugas ng kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa lambak. 7At sasabihin nila, “Hindi kami ang pumatay at hindi rin namin nakita kung sino ang pumatay. 8-9O Panginoon, patawarin nʼyo po ang mga mamamayan ninyong Israelita na inyong iniligtas sa Ehipto. Huwag ninyo kaming papanagutin sa kamatayan ng inosenteng taong ito.” Kung ganito ang gagawin ninyo hindi na kayo pananagutin ng Panginoon sa pagpatay, dahil makikita niya na matuwid kayo.
Ang Pag-aasawa ng Bihag na Babae
10Kung nakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway at ibinigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos, at binihag ninyo sila, 11at ang isa sa inyo ay nakakita ng magandang babae sa mga bihag at nagustuhan niya ito at gusto niya itong mapangasawa, 12dadalhin niya ang babae sa kanyang bahay at kakalbuhin ang ulo, puputulin ang mga kuko, 13at papalitan ang suot niyang damit nang siyaʼy bihagin. Dapat magpaiwan ang babae sa bahay ng lalaki sa loob ng isang buwan habang siyaʼy nagluluksa para sa kanyang mga magulang. Pagkatapos nito, maaari na siyang maging asawa ng lalaki. 14Ngunit kung sa bandang huli ay mawalan ng gana ang lalaki sa babae, dapat niya itong payagang pumunta saan man gustuhin ng babae. Hindi na siya dapat pang ipagbili o gawing alipin dahil siyaʼy ipinahiya niya.
Ang Karapatan ng mga Panganay
15Kung may isang lalaki na dalawa ang asawa, at mahal niya ang isa at ang isa ay hindi, ngunit pareho silang may anak sa kanya, at ang panganay na lalaki ay anak ng asawa niyang hindi niya mahal, 16kapag hahatiin na niya ang kanyang ari-arian, kailangang ang parte na para sa panganay na anak ay hindi dapat ibigay sa anak ng asawa niyang minamahal. Dapat niya itong ibigay sa panganay kahit na hindi niya mahal ang ina nito. 17Kailangan niyang kilalanin bilang panganay ang anak ng asawa niyang hindi minamahal. Ibibigay niya sa kanya nang doble ang bahagi ng ari-arian niya dahil siya ang naunang anak at may karapatan siyang tumanggap ng kanyang bahagi bilang panganay na anak.
Ang Hindi Matapat na Anak
18Kung ang isang tao ay may anak na lalaki na matigas ang ulo at suwail na ayaw makinig sa kanyang mga magulang kapag siyaʼy dinidisiplina, 19dadalhin siya ng kanyang mga magulang sa mga tagapamahala doon sa pintuan ng bayan. 20Sasabihin nila sa mga tagapamahala, “Matigas ang ulo nitong anak namin at rebelde siya; hindi siya sumusunod sa amin. Gastador siya at lasenggo.” 21Pagkatapos, dapat siyang batuhin ng lahat ng naninirahan sa bayan hanggang sa mamatay siya. Marinig ito ng lahat ng Israelita at matatakot sila. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
Ang Iba pang mga Kautusan
22Kung ang isang tao ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa isang krimeng ginawa niya, at ibinitin ang bangkay niya sa puno, 23hindi dapat umabot hanggang umaga ang bangkay niya doon. Dapat ninyo itong ilibing sa araw ding iyon, dahil ang sinumang ibinitin sa puno ay isinumpa ng Diyos. Kung hindi ninyo ito ililibing sa araw ding iyon, madudungisan nito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos bilang mana ninyo.
Kasalukuyang Napili:
Deuteronomio 21: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.