Daniel 7:7-13
Daniel 7:7-13 ASD
“Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay. “Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlo sa mga naunang sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan. “Pagkatapos ay nakita ko, may mga tronong inilagay, at umupo sa kanyang trono ang Diyos na Buháy Magpakailanman. Nakakasilaw ang kanyang damit at buhok dahil sa kaputian. Nagliliyab ang kanyang tronong may mga gulong. At mula sa kanya ay umaagos ang apoy. Libo-libo ang mga naglilingkod sa kanya; mas marami pa sa sampung libo ang nakatayo sa kanyang harapan. Handa na siyang humatol, kaya binuksan ang mga aklat. “Patuloy kong tinitingnan ang sungay dahil sa naririnig kong pagyayabang nito, hanggang sa nakita kong pinatay ang ikaapat na hayop. Inihagis siya sa apoy at nasunog ang kanyang katawan. (At ang natitirang tatlong hayop ay inalisan ng kapangyarihan, pero hinayaang mabuhay nang maiksing panahon.) “Pagkatapos, nakita ko ang parang anak ng tao na pinaliligiran ng ulap. Lumapit siya sa Diyos na Buháy Magpakailanman.


