Daniel 6:1-23
Daniel 6:1-23 ASD
Pumili si Haring Dario ng 120 gobernador upang mamahala sa kanyang buong kaharian. Ang mga gobernador na itoʼy nasa ilalim ng pamamahala ng tatlong administrador, at isa sa kanila ay si Daniel. Ginawa ito upang hindi mahirapan sa pamamahala ang hari. Si Daniel ang natatangi sa kanilang lahat dahil sa kanyang pambihirang kakayahan, kaya binalak ng hari na siya ang gawing tagapamahala ng buong kaharian. Dahil dito, ang dalawa pang kasama niyang administrador at mga gobernador ay naghanap ng kamalian sa pamamahala ni Daniel upang paratangan siya. Ngunit wala silang makita, dahil si Daniel ay tapat sa kanyang tungkulin at maaasahan. Kaya sinabi nila, “Wala tayong maipaparatang kay Daniel malibang makahanap tayo ng kasalanan na may kaugnayan sa kautusan ng kanyang Diyos.” Kaya pumunta sila sa hari at sinabi, “Mabuhay ang Haring Dario! Kaming lahat na tagapangasiwa ng iyong kaharian, kaming mga pinuno, gobernador, tagapayo, at mga iba pang-opisyal, ay nagkasundong hilingin sa inyo na gumawa ng kautusan at mahigpit itong ipatupad. Iutos po ninyo na kung may mananalangin sa sinumang diyos o tao maliban sa inyo sa loob ng tatlumpung araw ay itatapon sa kulungan ng mga leon. Kaya Mahal na Hari, magpalabas na po kayo ng ganoong kautusan. Ipasulat po ninyo at lagdaan upang hindi na mabago o mapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.” Pumayag si Haring Dario, kaya nilagdaan niya ang kautusang iyon. Nang malaman ni Daniel na lumagda ang hari, umuwi siya at pumunta sa kanyang silid na nasa itaas na bahagi ng bahay, kung saan nakabukas ang bintana na nakaharap sa Jerusalem. Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian. Ngunit sinusubaybayan pala siya ng mga opisyal na kumakalaban sa kanya, at nakita nilang nananalangin at nagpupuri si Daniel sa kanyang Diyos. Kaya pumunta sila sa hari at sinabi ang paglabag ni Daniel sa kautusan. Sinabi nila sa hari, “Mahal na Hari, hindi baʼt lumagda kayo ng kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa alinmang diyos o tao maliban sa inyo? At ang sinumang lumabag sa kautusang iyon ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon?” Sumagot ang hari, “Totoo iyon, at hindi na iyon mababago o mapapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.” Sinabi nila sa hari, “Si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi sumusunod sa inyong utos. Nananalangin siya sa kanyang Diyos ng tatlong beses sa isang araw.” Nang marinig ito ng hari, nabalisa siya ng sobra. Nais niyang tulungan si Daniel, kaya buong maghapon siyang nag-isip at naghanap ng paraan upang mailigtas si Daniel. Nagtipong muli ang mga opisyal ng hari at sinabi, “Mahal na Hari, alam nʼyo naman na ayon sa kautusan ng Media at Persia, kapag nagpalabas ang hari ng kautusan ay hindi na ito maaaring baguhin.” Kaya iniutos ng hari na hulihin si Daniel at ihulog sa kulungan ng mga leon. Sinabi ng hari kay Daniel, “Iligtas ka nawa ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran.” Pagkatapos, tinakpan ng isang malaking bato ang kulungan na pinaghulugan kay Daniel, at tinatakan ng singsing ng hari at ng singsing ng mga marangal sa kaharian upang walang sinumang magbubukas nito. Pagkatapos ay umuwi si Haring Dario sa palasyo niya. Hindi siya kumain ng gabing iyon at hindi rin humiling na siya ay aliwin. At hindi siya makatulog. Kinaumagahan, nagbubukang-liwayway pa lamang ay nagmamadaling pumunta ang hari sa kulungan ng mga leon. Pagdating niya roon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, iniligtas ka ba sa mga leon ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran?” Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang Hari! Hindi ako sinaktan ng mga leon, dahil nagpadala ang Diyos ng kanyang mga anghel upang itikom ang mga bibig ng mga leon. Ginawa ito ng Diyos dahil alam niyang matuwid ang aking buhay at wala akong ginawang kasalanan sa inyo, Mahal na Hari.” Nang marinig iyon ng hari, nagalak siya at nag-utos na kunin si Daniel sa kulungan. Nang nakuha na si Daniel, wala silang nakitang kahit galos man lamang sa kanyang katawan, dahil nagtiwala siya sa Diyos.


