Daniel 4:1-10
Daniel 4:1-10 ASD
Ipinadala ni Haring Nebucadnezar ang isang mensahe para sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika sa buong mundo: “Sumainyo nawa ang mabuting kalagayan. “Ikinagagalak kong ipaalam sa inyo ang mga himala at kababalaghang ginawa sa akin ng Kataas-taasang Diyos. Kamangha-mangha at makapangyarihan ang mga himalang ipinakita ng Diyos. Ang paghahari niya ay walang hanggan. “Akong si Nebucadnezar ay nasa aking tahanan sa palasyo, mabuti at namuhay ako sa kasaganaan. Ngunit nagkaroon ako ng nakakatakot na panaginip at pangitain na bumabagabag sa akin. Kaya iniutos ko na dalhin sa akin ang lahat ng marurunong sa Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang kahulugan ng aking panaginip. Nang dumating ang mga salamangkero, manghuhula at mga astrologo, sinabi ko sa kanila ang panaginip ko, pero hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito. Nang bandang huli, lumapit sa akin si Daniel. (Pinangalanan siyang Beltesazar na pangalan din ng aking diyos. Nasa kanya ang espiritu ng banal na mga diyos.) Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip. “Sinabi ko, ‘Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga diyos at nauunawaan mo agad ang kahulugan ng mga hiwaga. Sabihin mo sa akin ang kahulugan ng mga pangitaing nakita ko sa aking panaginip. Ito ang mga pangitaing nakita ko habang natutulog ako: Nakita ko ang isang napakataas na punongkahoy sa gitna ng mundo.


