Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 2:31-49

Daniel 2:31-49 ASD

“May nakita ang Mahal na Hari na isang napakalaking rebulto na nakakasilaw. Nakatayo sa inyong harapan ang rebulto at nakakatakot tingnan. Yari sa purong ginto ang ulo nito, pilak naman ang mga bisig at dibdib, tanso ang tiyan at hita. Yari sa bakal ang kanyang mga binti at ang kanyang mga paa naman ay yari sa bakal at luwad. At habang tinitingnan nʼyo po ang rebulto, may batong natipak na hindi kagagawan ng tao. Tumama ito sa mga paa nitong yari sa bakal at luwad, at nawasak ang kanyang mga paa. Agad namang nadurog ang buong rebulto na gawa sa bakal, luwad, tanso, pilak at ginto. At parang naging ipa sa giikan na ipinadpad ng hangin kung saan-saan. Ngunit ang batong bumagsak sa paa ng rebulto ay naging malaking bundok na pumuno sa buong mundo. “Iyan po ang panaginip nʼyo, at ngayon ipapaliwanag namin sa hari ang kahulugan nito. Mahal na Hari, kayo ang hari ng mga hari. Ginawa kayong hari ng Diyos sa langit at binigyan ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at karangalan. Ibinigay niya sa inyong kamay ang mga tao, mga hayop at mga ibon sa lahat ng dako. Kayo ang gintong ulo ng imahen. “Ang susunod sa inyong kaharian ay mas mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, ang ikatlong kaharian ay ang tansong bahagi ng rebulto, at ang kahariang ito ay maghahari sa buong mundo. At ang ikaapat na kaharian ay kasintatag ng bakal. Kung paanong ang bakal ay dumudurog sa lahat, ang kahariang ito ang dudurog sa mga naunang kaharian. Ang mga paa na yari sa bakal at luwad na nakita mo ay nangangahulugan na ang kahariang ito ay mahahati. Ngunit mananatili itong malakas, dahil nakita mo na may halong bakal ang luwad. Dahil ang mga daliri ng paa ay yari sa bakal at luwad, itoʼy nangangahulugan na ang kahariang ito ay may bahaging matibay at may bahaging mahina. Kung paanong nakita mo na pinaghalo ang bakal at luwad, ganoon ding paghahaluin ang mga lahi sa pamamagitan ng pag-aasawa. Ngunit hindi sila magkakaisa, katulad ng bakal at luwad na hindi maaaring paghaluin. “Sa panahon ng mga haring ito, ang Diyos sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi babagsak kailanman. Hindi ito matatalo ng alinmang kaharian, kundi wawasakin pa niya ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman. Katulad ito ng iyong nakitang tipak na bato mula sa bundok na hindi kagagawan ng tao na dumurog sa rebultong yari sa bakal, tanso, luwad, pilak at ginto. “Mahal na Hari, ipinahayag po sa inyo ng Diyos na Makapangyarihan kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Iyon ang panaginip nʼyo at ang kahulugan nito. Totoo po ang lahat ng sinabi ko.” Nagpatirapa si Haring Nebucadnezar upang parangalan si Daniel. Pagkatapos, nag-utos siyang maghandog at magsunog ng insenso kay Daniel. Sinabi niya kay Daniel, “Dahil sa ipinahayag mo ang panaginip ko at ang kahulugan nito, totoo na ang iyong Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng diyos. Siya ang dapat kilalaning Panginoon ng mga hari. At siya lamang ang nakakapagpahayag ng mga hiwaga.” Pagkatapos, binigyan ng hari si Daniel ng maraming magagandang regalo. Ginawa siyang tagapamahala ng buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng marurunong doon. Hiniling ni Daniel sa hari na italaga sina Shadrac, Meshac, at Abednego bilang katulong niya sa pamamahala ng lalawigan ng Babilonia. Pumayag naman ang hari. At namalagi si Daniel sa palasyo ng hari.