Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 9

9
Nakakilala si Saulo sa Panginoon
(Gawa 22:6‑16; 26:12‑18)
1Samantala, patuloy pa rin ang pagbabanta ni Saulo sa buhay ng mga alagad ng Panginoon. Pinuntahan pa niya ang punong pari 2at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang hulihin at dalhin sa Jerusalem ang sinumang makikita niya doon na sumusunod sa Daan#9:2 sumusunod sa Daan: Ang ibig sabihin, “sumasampalataya kay Hesus.”, lalaki man o babae. 3Nang malapit na si Saulo sa lungsod ng Damasco, bigla siyang napalibutan ng nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 4Natumba siya, at may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”
5Sumagot si Saulo, “Sino po kayo, Panginoon?”
Sinagot siya ng tinig, “Ako si Hesus na iyong inuusig.” 6“Tumayo ka at pumunta sa lungsod, at doon ay may magsasabi sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
7Ang mga kasama ni Saulo na naglalakbay ay natigilan at hindi nakapagsalita. Narinig nila ang tinig, ngunit wala silang nakita. 8Tumayo si Saulo, ngunit pagmulat niya, hindi na siya makakita. Kaya inakay na lang siya ng mga kasama niya hanggang sa Damasco. 9Tatlong araw siyang hindi nakakita, at hindi siya kumain o uminom.
10Doon sa Damasco ay may isang alagad na ang pangalan ay Ananias. Nagpakita sa kanya ang Panginoon sa isang pangitain at sinabi, “Ananias!”
Sumagot siya, “Narito po ang inyong lingkod, Panginoon.”
11Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka sa daang tinatawag na Matuwid, at doon sa bahay ni Judas ay hanapin mo ang taong taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Nananalangin siya ngayon, 12at ipinakita ko sa kanya sa isang pangitain na pumasok ang isang lalaking nagngangalang Ananias sa kinaroroonan niya at ipinatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.”
13Subalit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na pinagmamalupitan niya ang inyong mga hinirang sa Jerusalem. 14Narito siya ngayon sa Damasco at binigyan siya ng kapangyarihan ng mga namamahalang pari na hulihin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”
15Ngunit sinabi ng Panginoon kay Ananias, “Pumunta ka. Sapagkat siya ang pinili kong lingkod na magpapahayag tungkol sa akin sa mga Hentil at sa kanilang mga hari, at sa mga Israelita. 16Ipapakita ko rin sa kanya ang mga paghihirap na dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”
17Kaya pinuntahan ni Ananias si Saulo sa naturang bahay at pumasok siya rito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi, “Kapatid na Saulo, ang Panginoong Hesus na nagpakita sa iyo sa daan habang papunta ka rito ang nagsugo sa akin. Inutusan niya ako rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18Biglang may nahulog na parang mga kaliskis ng isda mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. 19At pagkatapos, kumain siya at muling lumakas.
Nangaral si Saulo sa Damasco at Jerusalem
Nanatili si Saulo ng ilang araw sa Damasco kasama ng mga alagad. 20Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga na si Hesus ang Anak ng Diyos. 21Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. Sinabi nila, “Hindi baʼt ito ang lalaking nagpahirap sa mga sumasampalataya kay Hesus sa Jerusalem? Hindi baʼt naparito siya para hulihin sila at dalhin sa mga namamahalang pari?” 22Lalo pang naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo. At hindi makasagot sa kanya ang mga Hudyo sa Damasco nang patunayan niyang si Hesus ang Mesias.
23Pagkalipas ng ilang araw, nagtipon ang mga Hudyo at nagplanong patayin si Saulo. 24Araw-gabi nilang inaabangan si Saulo sa mga pintuan ng lungsod upang patayin. Ngunit may nakapagsabi kay Saulo tungkol sa plano nila. 25Kaya isang gabi inilagay siya ng ibang mga alagad sa malaking tiklis at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod.
26Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, gusto niya sanang makisalamuha sa mga alagad ni Hesus, pero takot sila sa kanya. Hindi sila naniniwala na siyaʼy alagad na rin ni Hesus. 27Ngunit isinama siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol. Ikinuwento ni Bernabe sa kanila kung paano nakita ni Saulo ang Panginoong Hesus sa daan at kung ano ang sinabi ni Hesus sa kanya. At sinabi rin niya ang katapangan ni Saulo sa pangangaral tungkol kay Hesus doon sa Damasco. 28Kaya mula noon, kasa-kasama na nila si Saulo sa Jerusalem, at buong tapang siyang nangangaral sa ngalan ng Panginoon. 29Nakipag-usap din siya at nakipagdebate sa mga Helenista#9:29 Helenista: Mga Hudyong nagsasalita ng Griyego at tinanggap ang kulturang Griyego., kaya pinagsikapan nilang patayin siya. 30Nang malaman ng mga mananampalataya ang plano nila, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.
31Pagkatapos noon, naging matiwasay ang pamumuhay ng iglesya sa buong Judea, sa Galilea, at sa Samaria. Lalo pang lumakas ang kanilang pananampalataya at namuhay silang may takot sa Panginoon. Pinalalakas ng Banal na Espiritu ang kanilang loob, kaya lalo pa silang dumami.
32Samantala, sa paglalakbay ni Pedro sa ibaʼt-ibang lugar para dalawin ang mga hinirang ng Diyos, dinalaw niya rin ang mga alagad na nasa Lida. 33Nakilala niya roon si Eneas na isang lalaking paralisado at hindi makabangon sa kanyang higaan sa loob ng walong taon. 34Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinagaling ka ni Hesu-Kristo. Kaya bumangon ka at iligpit ang iyong higaan.” Agad namang bumangon si Eneas. 35Nakita ng lahat ng naninirahan sa Lida at sa Saron na gumaling na si Eneas, at sumampalataya rin sila sa Panginoon.
36Sa lungsod naman ng Jopa ay may isang babaeng mananampalataya na ang pangalan ay Tabita (na sa Griyego ay Dorcas). Marami siyang nagawang mabuti lalong-lalo na sa mga dukha. 37Nagkataon noon na nagkasakit siya at namatay. Nilinis nila ang kanyang bangkay at ibinurol sa isang kuwarto sa itaas. 38Ang Jopa ay malapit lang sa Lida. Kaya nang mabalitaan ng mga alagad ni Hesus na si Pedro ay naroon sa Lida, inutusan nila ang dalawang tao na pakiusapan si Pedro na pumunta agad sa Jopa.
39Agad namang sumáma si Pedro sa kanila. Pagdating nila sa Jopa, dinala siya sa kuwarto kung saan nakaburol ang patay. May mga biyuda roon na umiiyak. Ipinakita nila kay Pedro ang mga damit na tinahi ni Dorcas noong nabubuhay pa siya.
40Pinalabas silang lahat ni Pedro sa kuwarto. Pagkatapos, lumuhod siya at nanalangin. Humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita, at pagkakita niya kay Pedro, naupo siya. 41Hinawakan siya ni Pedro sa kamay at tinulungang tumayo. Pagkatapos, tinawag ni Pedro ang mga biyuda at ang iba pang mga hinirang ng Diyos doon, at ipinakita sa kanila si Tabita na buháy na. 42Ang balitang itoʼy kumalat sa buong Jopa, at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43Nanatili pa si Pedro nang mga ilang araw sa Jopa, sa bahay ni Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop.

Kasalukuyang Napili:

Mga Gawa 9: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in