Mga Gawa 4:10-17
Mga Gawa 4:10-17 ASD
Nais kong ipaalam sa inyong lahat at sa buong sambayanang Israel, na ang taong ito ay pinagaling sa pamamagitan ng pangalan ni Hesu-Kristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos. Siya, ‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ang siyang naging batong-panulukan.’ Walang sinuman ang makapagliligtas sa atin kundi siya lang, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayoʼy maligtas.” Namangha ang mga miyembro ng Sanhedrin sa lakas ng loob nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nila na mga karaniwang tao lamang sila at hindi mataas ang pinag-aralan. At nabatid nilang silaʼy mga kasamahan ni Hesus noon. Wala na silang masabi pa laban kina Pedro at Juan, dahil ang taong pinagaling ay nakatayo mismo sa tabi ng dalawa. Kaya pinalabas muna nila sina Pedro at Juan sa kanilang pinagtitipunan at nag-usap-usap sila. Sinabi nila, “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat kumalat na ang balita sa buong Jerusalem na nakagawa sila ng himala, at hindi na natin ito maitatanggi. Ngunit upang hindi na kumalat ang ipinapangaral nila sa mga tao, pagbawalan natin silang magsalita kaninuman tungkol sa pangalang ito.”


