Mga Gawa 21:17-36
Mga Gawa 21:17-36 ASD
Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatiran. Kinabukasan, sumáma kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem. Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan niya. Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Diyos. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libo-libong mga Hudyo na ang sumampalataya kay Hesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan. Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Hudyong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Hudyo. Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka. Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Diyos. Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya upang makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan. Tungkol naman sa mga Hentil na sumasampalataya kay Hesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga diyos-diyosan, o dugo, o karne ng hayop na binigti. At iwasan nila ang seksuwal na imoralidad.” Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis upang maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila. Nang matatapos na ang pitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Hudyong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa Templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa Templo na hulihin si Pablo. Sumigaw sila, “Mga kababayang mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ay nagtuturo sa lahat nang laban sa ating bansa, sa Kautusan at sa Templong ito saan man siya magpunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa Templo ang mga Hentil, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimo na taga-Efeso na sumáma kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa Templo.) Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa Templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng Templo. Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa tinyente koronel ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” Ngunit iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan. Pagdating nila sa hagdanan ng himpilan, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga taong nakasunod at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

