Mga Gawa 14:11-17
Mga Gawa 14:11-17 ASD
Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Bumaba ang mga diyos dito sa atin at nagkatawang-tao!” Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. Ang templo ng kanilang diyos na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kuwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol. Ngunit nang malaman iyon ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, “Mga kaibigan, bakit kayo maghahandog sa amin? Tao lang din kaming katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga walang kuwentang diyos na iyan at lumapit sa Diyos na buháy. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. Noon, hinayaan ng Diyos ang mga tao na sumunod sa gusto nila. Ngunit hindi nagkulang ang Diyos sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo upang masiyahan kayo.”


