Mga Gawa 10:9-48
Mga Gawa 10:9-48 ASD
Kinabukasan, nang malapit na sila sa Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay para manalangin. Tanghaling-tapat noon at gutom na siya, kaya gusto na niyang kumain. Ngunit habang inihahanda ang pagkain, nakakita siya ng pangitain mula sa Diyos. Nakita niyang bumukas ang langit at may ibinababa sa lupa na tila isang malaking kumot at nakatali ang apat na sulok nito. At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop, may lumalakad, may gumagapang sa lupa, at may lumilipad. Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil ni minsaʼy hindi ako kumain ng marumi o ipinagbabawal na pagkain.” Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Diyos.” Tatlong beses naulit ang pangitain, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon papunta sa langit. Habang naguguluhan pa si Pedro at pinag-iisipan kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelio. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa tarangkahan, tumawag sila at nagtanong kung doon nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. Tumayo ka at bumabâ. Huwag kang mag-alinlangang sumáma sa kanila, dahil ako ang nagsugo sa kanila.” Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelio. Matuwid siyang tao at may takot sa Diyos. Iginagalang siya ng lahat ng Hudyo. Sinabihan siya ng isang banal na anghel na anyayahan ka sa kanyang bahay upang marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” Kaya pinatuloy sila ni Pedro upang doon magpalipas ng gabi. Kinabukasan, sumáma si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa. Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelio, kasama ang kanyang mga kamag-anak at kaibigang tinipon niya. Pagdating ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa para sambahin siya. Ngunit pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Hudyo ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga Hentil. Ngunit ipinaliwanag sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi o di-malinis ang sinuman. Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumáma. Kaya ngayon nais kong malaman kung bakit nʼyo ako ipinatawag.” Sumagot si Cornelio, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang lalaking may damit na nakakasilaw. Sinabi niya sa akin, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Nasa tabi ng dagat ang bahay niya.’ Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Diyos upang pakinggan ang ipinasasabi sa inyo ng Panginoon.” Kaya nagsalita si Pedro, “Napatunayan ko ngayon na walang pinapaboran ang Diyos. Tinatanggap niya ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng tama kahit ano pang bansa niya. Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Diyos sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Hesu-Kristo, na siyang Panginoon ng lahat. Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa pagpapabautismo. Ipinagkaloob ng Diyos kay Hesus na taga-Nazaret ang Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Diyos, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo.” “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Hudyo. Pinatay siya ng mga Hudyo sa pamamagitan ng pagpako sa krus. Ngunit muli siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at ipinakita sa amin na siyaʼy buháy. Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Diyos na maging saksi upang ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. Inatasan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Diyos na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. Si Hesu-Kristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.” Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. Ang mga mananampalatayang Hudyo na sumáma kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Diyos ang Banal na Espiritu sa mga Hentil. Sapagkat narinig nilang nagsasalita sila sa ibaʼt ibang wikang hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Diyos. Kaya sinabi ni Pedro, “Wala nang makakahadlang sa kanila upang bautismuhan sila sa tubig sapagkat tulad natin, natanggap na nila ang Banal na Espiritu.” At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Hesu-Kristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili pa roon ng ilang araw.


