Mga Gawa 1:6-11
Mga Gawa 1:6-11 ASD
Minsan habang nagtitipon sila, tinanong nila si Hesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na itatatag ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot si Hesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya ayon sa kanyang awtoridad. Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu ay tatanggap kayo ng kapangyarihan; at kayoʼy magiging saksi ko na magpapahayag ng mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kasuluksulukang bahagi ng daigdig.” Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin. Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Hesus na nakita ninyong dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya dinala sa langit ay ganoon din siya babalik.”





