Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Tesalonica 2:7-17

2 Mga Taga-Tesalonica 2:7-17 ASD

Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at nananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa kanya. Pagkatapos maalis ang pumipigil, lilitaw na siya. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Hesus, papatayin niya ang suwail na taong ito sa pamamagitan lang ng isang hinga niya. Darating ang suwail na tao na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, tanda at kababalaghan. Gagamitin niya ang lahat ng uri ng pandaraya sa mga taong mapapahamak. Mapapahamak sila dahil ayaw nilang mahalin at tanggapin ang katotohanang makapagliligtas sa kanila. Kaya pababayaan na lang sila ng Diyos sa matinding pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan, nang sa ganoon, maparusahan ang lahat ng ayaw maniwala sa katotohanan at nagpakaligaya sa kasamaan. Mga kapatid, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong mga minamahal ng Panginoon. At nararapat lang kaming magpasalamat, dahil noong una pa man ay pinili na kayong maligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo sa katotohanan. Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makabahagi kayo sa kadakilaan ng Panginoong Hesu-Kristo. Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag at panghawakan nʼyo ang mga itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat. Nawaʼy aliwin at palakasin kayo ng ating Panginoong Hesu-Kristo at ng Diyos na ating Amang nagmahal at nagbigay sa atin ng walang katapusang kaaliwan at kalakasan, kalakip ang matibay na pag-asa dahil sa biyaya niya. At nawaʼy bigyan din kayo ng lakas ng loob na magpahayag at magsagawa ng lahat ng mabuti.