Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Samuel 7:4-13

2 Samuel 7:4-13 ASD

Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng PANGINOON kay Natan, “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David, ‘Ito ang sinabi ng PANGINOON: Ikaw ba ang magpapatayo ng bahay na titirhan ko? Mula nang ilabas ko ang mga Israelita sa Ehipto, hindi pa ako tumitira sa isang permanenteng tahanan kundi sa tolda lamang na palipat-lipat. Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, kailanmaʼy hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na kumbagaʼy pastol nila. Hindi ko sila tinanong kung bakit hindi nila ako ipinagtatayo ng bahay na gawa sa sedro.’ “Sabihin mo pa kay David na ako, ang PANGINOON ng mga Hukbo ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala nang kalaban na sasalakay sa iyo. “ ‘Ako, ang PANGINOON, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo. Kapag namatay ka na at inilibing kasama ng iyong mga ninuno, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. Siya ang magpapatayo ng bahay para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.