Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Pedro 3:10-18

2 Pedro 3:10-18 ASD

Ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang maglalaho ang kalangitan kasabay ng nakakapangilabot na ugong. Tutupukin ng apoy ang mga elemento sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog. Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at maka-Diyos, habang hinihintay ninyo ang araw ng pagdating ng Diyos at ginagawa ang makakayanan ninyo upang mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masisira ng apoy ang kalangitan at matutunaw ang lahat ng bagay na naroroon sa tindi ng init. Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupang paghaharian ng katarungan. Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya. Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay upang mabigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila. Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Diyos. Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Diyos at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.