Napilitan akong magmalaki kahit na alam kong wala akong mapapala rito. Sasabihin ko sa inyo ngayon ang mga ipinahayag at ipinakita sa akin ng Panginoon. Ako ay dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Sumasampalataya na ako kay Kristo noon. Hindi ko matiyak kung nasa katawan ba ako o nasa labas ng katawan, ang Diyos lang ang nakakaalam. Ang alam ko lang, kahit hindi ko matiyak kung nasa katawan ba ako o nasa labas ng katawan, ang Diyos lang ang nakakaalam, nakarating ako sa Paraiso, at narinig ko roon ang mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang ipaliwanag at hindi dapat sabihin kahit kanino. Maipagmamalaki ko ang karanasan kong iyon. Ngunit kung tungkol sa aking sarili, wala akong maipagmamalaki maliban sa aking mga kahinaan. At kung magmamalaki man ako, hindi ako magmimistulang hangal, dahil totoo naman ang aking sasabihin. Ngunit pinipigilan ko ang aking sarili dahil baka maging labis ang pagtingin ng ilan sa akin kaysa sa nakikita nila sa aking pamumuhay.
Para hindi ako maging mayabang dahil sa mga kamangha-manghang ipinakita ng Diyos sa akin, binigyan ako ng isang kapansanan sa katawan. Hinayaan ng Diyos na pahirapan ako ni Satanas sa aking kapansanan upang hindi ako maging mayabang. Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito sa akin. Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sapat ang biyaya ko para sa ʼyo sapagkat ang kapangyarihan koʼy nakikita sa ʼyong kahinaan.” Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay palagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Kristo. Dahil dito, nagagalak ako sa kabila ng aking kahinaan, mga panlalait, mga pasakit, pang-uusig, at sa mga paghihirap alang-alang kay Kristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Diyos.
Nagmukha na akong hangal, ngunit kayo na rin ang nagtulak sa akin na maging ganito. Dapat sanaʼy pinuri ninyo ako, dahil hindi naman ako nahuhuli sa mga “magagaling” na mga apostol na ʼyan, kahit na wala akong halaga. Pinatunayan ko sa inyong akoʼy tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala, kababalaghan, at iba pang mga kamangha-manghang gawain. Kung ano ang mga ginawa ko diyan sa inyo, ganoon din ang ginawa ko sa ibang mga iglesya, maliban na lamang sa hindi ko paghingi ng tulong sa inyo. Kung sa inyoʼy isa itong pagkakamali, patawarin sana ninyo ako!