Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Corinto 11

11
Si Pablo at ang mga Nagkukunwaring Apostol
1Ipagpaumanhin ninyo kung ngayon ay magsalita akong tulad ng isang hangal. 2Nakadarama ako ng maka-diyos na pagseselos sa inyo, sapagkat tulad kayo ng isang dalagang birhen na ipinangako kong ipapakasal sa isang lalaki, si Kristo. 3Ngunit nag-aalala akong baka malinlang kayo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas, at mawala ang inyong tapat at taos-pusong hangaring sumunod kay Kristo. 4Sapagkat madali kayong napapaniwala ng kahit sinong dumarating diyan na nangangaral ng ibang Hesus kaysa sa aming ipinangaral sa inyo. At tinatanggap ninyo ang ibang uri ng espiritu kaysa sa Espiritung tinanggap na ninyo. Pinapakinggan din ninyo ang magandang balita na iba kaysa sa pinaniwalaan na ninyo.
5Sa tingin ko, hindi naman ako nahuhuli sa mga “magagaling” na mga apostol na ʼyan. 6Maaaring hindi ako magaling magsalita ngunit hindi naman nagkukulang ng kaalaman. At iyan ay naipakita namin sa inyo sa lahat ng aming pagtuturo.
7Hindi ako humingi ng bayad nang ipangaral ko sa inyo ang Magandang Balita mula sa Diyos, kundi nagtrabaho ako upang matulungan ko kayo sa inyong buhay espirituwal. Masamá ba ang ginawa kong ito? 8Tumanggap ako ng tulong mula sa ibang iglesya noong akoʼy naglilingkod sa inyo. Parang ninakawan ko sila, matulungan lamang kayo. 9At noong kinapos ako sa aking mga pangangailangan habang kasama ninyo, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo. Ang ating mga kapatid na dumating mula sa Macedonia ang nagbigay ng aking mga pangangailangan. Iniwasan kong maging pabigat sa inyo at iyan ang palagi kong gagawin. 10Hindi ako titigil na ipagmamalaki ito sa lahat ng lugar sa Acaya. Totoo ang sinasabi kong ito dahil nasa akin ang katotohanan ni Kristo. 11Bakit? Dahil ba hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo!
12Ngunit patuloy kong paninindigan ang sinasabi ko ngayon na hindi ako hihingi ng tulong sa inyo, upang hindi masabi ng mga nagbabalak maging apostol na silaʼy katulad namin kung maglingkod. 13Sapagkat ang mga taong iyan ay hindi naman mga totoong apostol, kundi mga manlilinlang at nagpapanggap lang na mga apostol ni Kristo. 14At hindi naman iyan nakapagtataka, dahil maging si Satanas ay nagpapanggap bilang anghel ng Diyos na nagbibigay-liwanag. 15Kaya hindi rin nakapagtatakang ang kanyang mga alagad ay magkunwari ding mga alagad ng katuwiran. Ang kahihinatnan nila sa bandang huli ay parusang ayon sa kanilang mga gawa.
Ang mga Paghihirap ni Pablo bilang Apostol
16Inuulit ko, huwag ninyong isiping isa akong hangal. Ngunit kung ganyan ang tingin ninyo sa akin, hindi na bale, basta hayaan ninyo akong magmalaki nang kahit kaunti. 17Kung sa bagay, kung ipagmamalaki ko ang aking sarili, hindi ito galing sa Panginoon, at para akong hangal. 18Subalit dahil sa marami diyan ang nagmamalaki tulad ng mga taong makamundo, magmamalaki rin ako. 19Tuwang-tuwa pa kayo na nagtiyatiyaga sa mga hangal. Ang tatalino talaga ninyo! 20Sa katunayan, pinagtiyatiyagaan din ninyong alipinin kayo, agawan ng mga ari-arian, pagsamantalahan, pagmataasan, at hamakin. 21Nakakahiya mang amining mahihina kami, ngunit hindi namin kayang gawin ang mga iyan!
Kung may magmamalaki diyan, magmamalaki rin ako, kahit na magmukha akong hangal sa sinasabi ko. 22Ipinagmamalaki ba nilang silaʼy mga Hudyo, mga Israelita, at kabilang sa lahi ni Abraham? Ako rin! 23Sila baʼy mga lingkod ni Kristo? Alam kong para na akong baliw sa sinasabi ko, ngunit bilang lingkod rin ni Kristo, mas higit pa ako kaysa sa kanila! Mas higit akong nagpakahirap; mas maraming beses akong nakulong, nahagupit ng mas malala pa, at paulit-ulit na nalagay sa bingit ng kamatayan. 24Limang beses akong tumanggap ng tatlumpuʼt siyam na hagupit sa kapwa ko mga Hudyo. 25Tatlong beses akong pinaghahampas ng mga pamalo; isang beses na pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang lumubog ang sinasakyang barko, at minsaʼy nagpalutang-lutang ako sa dagat ng isang araw at gabi. 26Madalas akong maglakbay, at parating nalalagay sa mga panganib: sa pagtawid sa mga ilog, sa mga tulisan, sa kapwa ko mga Hudyo, sa mga Hentil, sa mga lungsod, sa mga ilang, sa dagat, at sa mga taong nagpapanggap na mga kapatid.
27Naranasan ko rin ang sobrang hirap at pagod, at kawalan ng tulog. Naranasan ko ang magutom, mauhaw, kadalasaʼy walang makain, at naranasan kong ginawin dahil sa kakulangan ng maisusuot. 28Maliban sa iba pang mga karanasan na hindi ko nabanggit, inaalala ko pa araw-araw ang kalagayan ng lahat na iglesya. 29Kung may nanghihina, nalulungkot ako. At kung may nagkakasala, naghihirap ang kalooban ko.
30Kung kailangan kong magmalaki, ang ipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. 31Hindi ako nagsisinungaling, at alam iyan ng Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesus. Purihin siya magpakailanman! 32Noong akoʼy nasa Damasco, pinabantayan ng gobernador na nasa ilalim ni Haring Aretas ang lungsod upang dakpin ako. 33Ngunit inilagay ako sa isang tiklis at ibinaba sa isang bintana sa pader ng lungsod, kaya nakatakas ako.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Taga-Corinto 11: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in