Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Cronica 29

29
Ang Paghahari ni Ezequias sa Juda
(2~Hari 18:1‑3)
1Si Ezequias ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampuʼt siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Abias na anak ni Zacarias. 2Matuwid ang ginawa ni Ezequias sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David.
3Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng Templo ng Panginoon at ipinaayos ito. 4Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng Templo. 5Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili#29:5 Linisin ninyo ang inyong mga sarili: Ang ibig sabihin, gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis. ngayon, at linisin din ninyo ang Templo ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa Templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi. 6Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Diyos at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang Templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran. 7Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng Templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa Templo para sa Diyos ng Israel. 8Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon. 9Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak. 10Ngunit ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, upang mawala ang matindi niyang galit sa atin. 11Kaya mga minamahal,#29:11 mga minamahal: Sa literal, mga anak. huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon upang tumayo sa kanyang presensya, at upang maglingkod at maghandog.”#29:11 maghandog: O magsunog ng insenso.
12Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:
Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azarias.
Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azarias na anak ni Jehalelel.
Sa pamilya ni Gerson: sina Joah na anak ni Zima at Eden na anak naman ni Joah.
13Sa angkan ni Elizafan: sina Simri at Jeiel.
Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matanias.
14Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Simei.
Sa angkan ni Jedutun: sina Semaias at Uziel.
15Tinipon nila ang kanilang mga kadugong Levita at nilinis nila ang kanilang sarili. Nilinis din nila ang Templo ng Panginoon ayon sa iniutos ng hari. Sinunod nila ang sinabi ng Panginoon. 16Pumasok ang mga pari sa Templo ng Panginoon upang linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng Templo ang lahat na kanilang nakitang kagamitang marurumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron. 17Sinimulan nilang maglinis sa unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw, umabot sila sa balkonahe ng Templo ng Panginoon. Ipinagpatuloy nila ang paglilinis sa loob pa ng walong araw, at natapos nila ang paglilinis sa ikalabing-anim na araw ng buwan ding iyon.
18Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Ezequias at sinabi, “Mahal na Hari, nalinis na po namin ang buong Templo ng Panginoon pati ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat po ng kagamitan nito, at ang mesa na pinaglalagyan po ng tinapay na inihahandog at ang lahat ng kagamitan nito. 19Naibalik na rin po namin ang lahat ng kagamitang tinanggal ni Haring Ahaz nang mga panahong hindi siya naging matapat sa Diyos. Nilinis na po namin ang mga ito at handa nang gamitin. Naroon na po ang mga ito ngayon sa harapan ng altar ng Panginoon.”
20Kinabukasan, maaga paʼy tinipon na ni Haring Ezequias ang mga opisyal ng lungsod at pumunta sila sa Templo ng Panginoon. 21Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan para sa kanilang kaharian, sa Templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Ezequias ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron upang ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon. 22Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa. 23Ang mga kambing na handog para sa kasalanan ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing. 24Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa kasalanan para sa lahat ng Israelita.
25Pagkatapos, nagtalaga si Ezequias ng mga Levita sa Templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan. 26Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27At nag-utos si Ezequias na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, ang mga awit ng papuri sa Panginoon ay sinimulan din, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel. 28Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga taga-trumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog.
29Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Ezequias at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon. 30Nag-utos si Haring Ezequias at ang kanyang mga opisyal sa mga Levita upang purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga awit na ginawa ni Haring David at ni Asaf na propeta. Kaya umawit sila ng mga awit ng pagpupuri na may kagalakan habang nakayuko sila sa pagsamba sa Diyos.
31Pagkatapos, sinabi ni Ezequias, “Ngayong naihandog nʼyo na ang inyong sarili sa Panginoon, magdala kayo ng mga handog, kasama ang mga handog ng pasasalamat sa Templo ng Panginoon.” Kaya nagdala ang mga tao ng mga handog na ito sa Templo ng Panginoon, at ang iba ay kusang-loob na nag-alay ng mga handog na sinusunog.
32Ang bilang ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon na dinala ng mga tao ay pitumpung toro, isang daang lalaking tupa at dalawandaang batang tupa. 33Nagdala rin sila ng iba pang mga handog na animnaraang toro at tatlong libong tupa at kambing. 34Ngunit kakaunti lang ang mga pari na nagkakatay ng mga hayop para sa mga handog na sinusunog. Kaya tumulong sa kanila ang mga kamag-anak nilang Levita hanggang matapos ang gawaing iyon at hanggang sa dumami na ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili. Sapagkat mas matapat pa ang mga Levita sa paglilinis ng kanilang sarili kaysa sa mga pari. 35Napakaraming handog na sinusunog, pati mga taba ng mga hayop na handog pangkapayapaan, at mga handog na inuming inialay kasama ng mga handog na sinusunog.
Sa ganitong paraan, muling naibalik ang mga gawain sa Templo ng Panginoon. 36Labis ang kagalakan ni Ezequias at ng mga tao sa tulong na ginawa ng Diyos, dahil mabilis na nagawa ang lahat ng ito.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Cronica 29: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in