Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Cronica 23

23
1Sa ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Joiada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azarias na anak ni Jehoram, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. 2Umikot sila sa buong Juda upang tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya sa lahat ng mga bayan. Pagdating ng mga tao sa Jerusalem, 3pumunta sila sa Templo at gumawa ng kasunduan kay Joas, ang batang hari.
Sinabi ni Joiada sa mga tao, “Narito ang anak ng namatay na hari! Ito na ang panahon na siya ay dapat maghari ayon sa pangako ng Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David ang maghahari.#23:3 pangako … maghahari: Sa literal, ayon sa sinabi ng Panginoon tungkol sa angkan ni David. Tingnan sa talata 7|2CH 23:7. 4Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng Templo. 5Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng Templo ng Panginoon. 6Walang papasok sa Templo ng Panginoon, maliban lang sa mga pari at mga Levita na naglilingkod sa oras na iyon. Puwede silang pumasok dahil itinalaga sila para sa gawaing ito. Ngunit ang ibaʼy kailangang sa labas lang magbabantay ayon sa utos ng Panginoon. 7Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at sinumang papasok sa Templo ay dapat patayin. Samahan ninyo ang hari kahit saan siya magpunta.”
8Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Joiada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Joiada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras. 9Pagkatapos, binigyan ni Joiada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa Templo ng Panginoon. 10Ipinapuwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng Templo at ng altar upang protektahan ang hari.
11Pagkatapos, pinalabas ni Joiada at ng kanyang mga anak si Joas na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari,#23:11 tuntunin … hari: O mga utos ng Diyos. at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”
12Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan upang papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa Templo ng Panginoon. 13At nakita niya roon ang bagong koronang hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng Templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga taga-trumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Diyos, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
14Inutusan ni Joiada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng Templo ng Panginoon.” 15Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Joiada
(2~Hari 11:17‑20)
16Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Joiada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon. 17Pumunta agad ang lahat ng tao sa Templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga diyos-diyosan, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.
18Pagkatapos, ipinagkatiwala ni Joiada sa mga paring Levita ang pamamahala sa Templo ng Panginoon gaya ng ginawa ni David noon. Maghahandog sila ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises, at magsasaya at aawit ayon sa iniutos ni David. 19Nagpalagay din si Joiada ng mga tagapagbantay sa mga pintuan ng Templo ng Panginoon upang walang makapasok na tao na itinuturing na marumi.
20Pagkatapos, isinama niya ang mga kumander, ang mga kilalang tao, at ang lahat ng tao, at inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa Templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa Hilagang Pintuan. At naupo ang hari sa kanyang trono. 21Nagdiwang ang mga tao, at naging mapayapa na ang lungsod matapos patayin si Atalia.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Cronica 23: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in