Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Cronica 16

16
Ang mga Huling Taon ni Asa
(1~Hari 15:17‑24)
1Noong ikatatlumpuʼt anim na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasa ng Israel ang Juda. At pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda.
2Ipinakuha ni Asa ang mga pilak at ginto sa mga bodega ng Templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. At ibinigay niya ito kay Haring Ben-hadad ng Aram#16:2 Aram: O Siria. doon sa Damasco kung saan siya nakatira. 3Ito ang mensahe ni Asa kay Ben-hadad: “Gumawa tayo ng kasunduang pangkapayapaan sa isaʼt isa, gaya ng ginawa ng ating mga ama. Tanggapin mo ang ipinadala ko sa iyong pilak at ginto, at hinihiling kong sirain mo na ang iyong kasunduan kay Haring Baasa ng Israel upang pabayaan na niya ako.”
4Pumayag si Ben-hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang mga sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel-maim,#16:4 Abel-maim: O Abel-bet-maaca. at ang lahat ng lungsod ng Neftali na ginagamit na bodega. 5Nang marinig ito ni Baasa, ipinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama. 6Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng lalaki ng Juda na kunin nila ang mga bato at mga troso na ginagamit ni Baasa sa paggawa ng pader ng Rama. At ginamit ito ni Haring Asa sa paggawa ng pader ng Geba at ng Mizpa.
7Nang panahong iyon, pumunta ang propetang si Hanani kay Haring Asa ng Juda at sinabi sa kanya, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Aram at hindi sa Panginoon na iyong Diyos, hindi nʼyo malilipol ang mga sundalo ng hari ng Aram. 8Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa mga taga-Etiopia at taga-Libya, na ang mga sundalo, mga karwahe at mga mangangabayo ay napakarami? Nang panahong iyon, nagtiwala ka sa Panginoon, at kayoʼy pinagtagumpay niya sa kanila. 9Sapagkat nakatingin ang Panginoon sa buong mundo upang palakasin ang mga taong matapat sa kanya. Kamangmangan ang iyong ginawa! Kaya mula ngayon makikipaglaban ka na.”
10Dahil dito, labis na nagalit si Asa sa propeta, kaya itoʼy kanyang pinakulong. At sa panahong ding iyon, nagsimulang pahirapan ni Asa ang iba niyang mga mamamayan.
11Ang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Asa mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at ng Israel. 12Nang ikatatlumpuʼt siyam na taon ng paghahari ni Asa, nagtiis siya ng karamdaman sa paa. Kahit malubha na ang kanyang karamdaman, hindi siya humingi ng tulong sa Panginoon kundi sa mga manggagamot. 13At noong ika-apatnapuʼt isang taon ng paghahari niya, namatay siya. 14Inilibing siya sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili sa Lungsod ni David.#16:14 Lungsod ni David: Jerusalem. Inilagay siya sa kabaong na may ibaʼt ibang mga pabango. At nagpaningas ng malaking apoy ang mga tao sa pagpaparangal sa kanya.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Cronica 16: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in