2 Mga Cronica 12
12
Nilusob ni Shisak ang Jerusalem
(1~Hari 14:25‑28)
1Nang matatag na ang paghahari ni Rehoboam at makapangyarihan na siya, itinakwil niya at ng buong Israel ang kautusan ng Panginoon. 2Dahil hindi sila matapat sa Panginoon, nilusob ni Haring Shishak ng Ehipto, ang Jerusalem noong ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam. 3May kasama siyang isanliboʼt dalawandaang karwahe, animnapung libong mangangabayo at napakaraming sundalo, na ang iba sa kanilaʼy galing pa sa Libya, Suquim at Etiopia. 4Sinakop ni Shisak ang mga napapaderang lungsod ng Juda at lumusob hanggang sa Jerusalem.
5Pagkatapos, pumunta si Propeta Semaias kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na tumakas sa Jerusalem dahil sa takot kay Shishak. Sinabi ni Semaias sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Itinakwil nʼyo ako, kaya ngayon, pababayaan ko kayo kay Shisak.”
6Nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Matuwid ang Panginoon!”
7Nang makita ng Panginoon na silaʼy nagpakumbaba, sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Semaias, “Dahil nagpakumbaba sila, hindi ko sila lilipulin at hindi magtatagal ay palalayain ko sila. Hindi ko na gagamitin si Shishak para ibuhos ang aking galit sa Jerusalem. 8Ngunit ipapasakop ko sila sa kanya upang matutunan nila na mas mabuti ang maglingkod sa akin kaysa sa paglingkuran ang mga makalupang hari.”
9Nang nilusob ni Haring Shishak ng Ehipto ang Jerusalem, ipinakuha niya ang mga kayamanan sa Templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon. 10Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga tagapagbantay ng pintuan ng palasyo. 11At kapag pupunta ang hari sa Templo ng Panginoon, sasáma sa kanya ang mga tagapagbantay na nagdadala ng mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kuwarto.
12Dahil nagpakumbaba si Rehoboam, nawala ang galit ng Panginoon sa kanya, at hindi siya nalipol nang lubos. May natira pang kabutihan sa Juda.
13Lalong tumatag ang pamamahala ni Haring Rehoboam at nagpatuloy siya sa paghahari roon sa Jerusalem. Siyaʼy apatnapuʼt isang taóng gulang nang maging hari, at naghari siya sa loob ng labimpitong taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na isang Amonita. 14Ngunit gumawa ng kasamaan si Rehoboam dahil hindi siya naghangad na hanapin ang Panginoon.
15Ang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam mula sa umpisa hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Semaias at Aklat ni Propeta Iddo, na talaan ng mga salinlahi. Nagpatuloy ang paglalaban nina Rehoboam at Jeroboam. 16Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Abias ang pumalit sa kanya bilang hari.
Kasalukuyang Napili:
2 Mga Cronica 12: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.