Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Cronica 10

10
Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam
(1~Hari 12:1‑20)
1Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita upang hirangin siya na hari. 2Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat sa panahong ito, doon siya nakatira sa Ehipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.) 3Ipinatawag ng mga Israelita si Jeroboam, at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi, 4“Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Ngunit kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”
5Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw upang pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao.
6Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang amang si Solomon noong nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?”
7Sumagot sila, “Kung ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanila, at ibibigay sa kanila ang kanilang kahilingan, maglilingkod sila sa inyo magpakailanman.”
8Ngunit hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo. Sa halip, nakipagkita siya sa mga binatang kababata niyang naglilingkod sa kanya. 9Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.”
10Sumagot ang mga binatang kababata niya, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling ng magaang pasanin: ‘Ang aking kalingkingan ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama. 11Mabigat nga ang pasaning ipinatupad ng aking ama sa inyo, ngunit mas mabigat pa ang ipapatupad ko. Kung pinalo niya kayo ng latigo, alakdan ang ipapalo ko sa inyo.’ ”
12Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon din sa sinabi ng hari sa kanila. 13Ngunit pinagsalitaan ni Rehoboam nang masasakit ang mga tao sapagkat hindi niya sinunod ang ipinayo ng mga matatandang tagapayo. 14Ang sinunod niya ay ang mga ipinayo ng mga binatang tagapayo. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat nga ang pasaning ipinatupad ng aking ama sa inyo, ngunit mas mabigat pa ang ipapatupad ko. Kung pinalo niya kayo ng latigo, alakdan ang ipapalo ko sa inyo.”
15Kaya hindi nakinig ang hari sa mga tao, itoʼy niloob ng Panginoong Diyos upang matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahias na taga-Silo.
16Nang malaman ng mga Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari,
“Ano naman kasi ang kaugnayan natin kay David?
May kinalaman ba tayo sa anak ni Jesse?
Halina kayo mga Israelita, umuwi na tayo!
Bahala ka na sa iyong kaharian, David!”
Kaya umuwi nga ang lahat ng mga Israelita. 17Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang pinamahalaan ni Rehoboam.
18Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoniram#10:18 Adoniram Sa Hebreo, Hadoram., ang namamahala sa sapilitang pagtatrabaho, upang ibalik ang kaayusan. Ngunit binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem. 19Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

Kasalukuyang Napili:

2 Mga Cronica 10: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in