1 Timoteo 3:1-16
1 Timoteo 3:1-16 ASD
Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa ng iglesya ay naghahangad ng marangal na gawain. Ang isang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan, tapat sa kanyang asawa, hindi madaling magalit, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa mga tao, at may kakayahang magturo. Hindi siya dapat lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi mukhang pera. Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya. Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos? Dapat ay hindi siya bagong mananampalataya, at baka maging mayabang siya at mahatulan katulad ng diyablo. Bukod pa rito, kailangang iginagalang siya ng mga hindi miyembro ng iglesya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo. Ganoon din naman sa mga tagapaglingkod sa iglesya: Kailangang kagalang-galang sila, tapat sa kanilang salita, hindi lasenggo, at hindi gahaman sa pera. Kailangang pinanghahawakan nila ang katotohanan tungkol sa pananampalataya kay Kristo nang may malinis na konsensiya. Kailangan ding masubok muna sila; at kung mapatunayang karapat-dapat, hayaan silang makapaglingkod bilang tagapaglingkod. Kailangang kagalang-galang din ang mga asawa nila, hindi mapanira sa kapwa, hindi madaling magalit, at mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay. Ang mga tagapaglingkod ay dapat isa lamang ang asawa at mahusay mamahala sa kanilang mga anak at buong sambahayan sapagkat ang mga naglilingkod nang mabuti bilang tagapaglingkod ay iginagalang ng mga tao at lalong lumalago ang katiyakan nila sa kanilang pananampalataya kay Kristo Hesus. Kahit umaasa akong makakapunta diyan saʼyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang mga tagubiling ito upang kahit maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat maging ugali ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Diyos. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buháy na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan. Hindi maikakaila na ang hiwaga ng ating pananampalataya ay napakadakila: Nagpakita siya bilang tao, pinatotohanan ng Espiritu na siyaʼy matuwid, nakita siya ng mga anghel, ipinangaral sa mga bansa, pinaniwalaan ng mundo, at dinala sa langit.



