Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Juan 3:11-24

1 Juan 3:11-24 ASD

Sapagkat ito ang aral na narinig ninyo noong nagsimula kayo sa pananampalataya: Magmahalan tayo. Huwag ninyong tularan si Cain, na kampon ng diyablo at pumatay sa kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung kinamumuhian kayo ng mundo. Alam nating iniwan na natin ang daang patungo sa kamatayan at lumipat na tayo sa daang patungo sa buhay, dahil minamahal natin ang ating mga kapatid kay Kristo. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kapwa ay nananatili sa daang patungo sa kamatayan. Ang sinumang namumuhi sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: Inialay ni Hesu-Kristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. Kung sinuman ang nasa maayos na pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba nating sumasakanya ang pag-ibig ng Diyos? Mga minamahal kong anak, huwag tayong magmahal sa salita lamang; sa halip ipakita natin sa gawa na tunay tayong nagmamahal. Sa ganitong paraan natin matitiyak na tayo nga ay nasa katotohanan at magiging panatag din ang ating kalooban sa harapan ng Diyos kahit inuusig man tayo ng ating konsensiya. Sapagkat ang Diyos ay mas higit kaysa sa ating konsensiya at nalalaman niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating konsensiya, panatag tayong makakalapit sa Diyos. At matatanggap natin ang anumang hilingin natin sa kanya, dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. At ito ang kanyang utos: Sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Hesu-Kristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos niya sa atin. Ang mga sumusunod sa utos ng Diyos ay nananatili sa kanya, at nananatili rin ang Diyos sa kanila. At malalaman natin na nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.