Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 6

6
Demanda laban sa Kapatid sa Panginoon
1Kapag may reklamo ang isa sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, nararapat bang magpahatol siya sa hukom na hindi sumasampalataya sa Diyos sa halip na sa kapwa niya mananampalataya? Dapat dalhin niya ito sa mga kapwa niyang sumasampalataya sa Diyos.#6:1 sumasampalataya sa Diyos: O banal. Sa Griyego, hagios, na ang ibig sabihin ay “itinuring ng Diyos na kanya.” 2Hindi ba ninyo alam na tayong mga hinirang ang hahatol sa mga tao sa mundo? At kung tayo ang hahatol sa mundo, wala ba kayong kakayahang hatulan ang maliliit na bagay na iyan? 3Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? At tiyak na mas kaya ninyong lutasin ang karaniwang alitan sa buhay na ito. 4Kaya kung mayroon kayong mga alitan, bakit dinadala niya ito sa hukom na hindi mananampalataya sa Diyos? 5Mahiya naman kayo! Wala na ba talagang marurunong sa inyo na may kakayahang umayos ng inyong alitan? 6Ang nangyayari, ang isang kapatid ay idinidemanda ang kanyang kapatid sa Panginoon, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya!
7Kayo mismo ang talo sa pagkakaroon ninyo ng mga kaso laban sa isaʼt isa. Bakit hindi na lamang ninyo tiisin ang mga gumagawa ng masama at nandaraya sa inyo? 8Ngunit ang nangyayari, kayo pa mismo ang nandaraya at gumagawa ng masama, at ginagawa ninyo ito mismo sa inyong kapatid sa Panginoon. 9Hindi ba ninyo alam na hindi mapapabilang ang mga masasama sa kaharian ng Diyos#6:9 kaharian ng Diyos: Ang ibig sabihin ay “paghahari ng Diyos na nahayag noong dumating si Kristo at ganap na mararanasan sa pagbalik niya.”? Huwag kayong palilinlang! Sapagkat kailanmaʼy hindi mapapabilang sa kaharian ng Diyos ang mga imoral, sumasamba sa diyos-diyosan, nangangalunya, nakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o babae. 10Gayundin naman ang mga magnanakaw, mga sakim, mga lasenggo, mga maninirang-puri at mga mandarambong ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 11At ganyan nga ang ilan sa inyo noon. Ngunit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ibinukod na kayo ng Diyos upang maging kanya; itinuring na kayong matuwid dahil sa Panginoong Hesu-Kristo at sa Espiritu ng ating Diyos.
Pag-iwas sa Sekswal na Imoralidad
12Maaaring may magsabi sa inyo, “Puwede kong gawin ang kahit ano.” Ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakabuti sa inyo. Kaya kahit puwede kong gawin ang kahit ano, hindi ako magpapaalipin dito. 13Maaari rin namang sabihin ng iba, “Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit darating ang araw na pareho itong sisirain ng Diyos. Ang katawan ay hindi para sa seksuwal na imoralidad kundi para sa paglilingkod sa Panginoon; at ang Panginoon ang nag-iingat nito. 14Ang katawan natiʼy muling bubuhayin ng Diyos sa huling araw, tulad ng ginawa niya sa ating Panginoon.
15Hindi baʼt tayong mga mananampalataya ay bahagi ng katawan ni Kristo? Iyan ang dahilan kung bakit hindi talaga natin maaaring gamitin ang ating katawan, na bahagi ng katawan ni Kristo, sa pakikipagtalik sa babaeng bayaran. 16Hindi baʼt ang nakikipagtalik sa ganoong uri ng babae ay nagiging kaisang-katawan na niya? Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Silang dalawaʼy magiging isa.”#6:16 Gen. 2:24. 17At kung nakikipag-isa tayo sa Panginoong Hesu-Kristo kaisa niya tayo sa espiritu.
18Kaya lumayo kayo sa seksuwal na imoralidad. Ang ibang kasalanang ginagawa ng tao ay walang kinalaman sa kanyang katawan, ngunit ang gumagawa ng seksuwal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan. 19Hindi baʼt ang katawan ninyo ay templo ng Banal na Espiritung nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Kung ganoon, ang katawan ninyoʼy hindi sa inyo kundi sa Diyos, 20dahil tinubos niya ng napakalaking halaga. Kayaʼt luwalhatiin ninyo ang Diyos gamit ang inyong katawan.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Taga-Corinto 6: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in