Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Cronica 26

26
Ang mga Guwardiya ng Pintuan ng Templo
1Ito ang mga grupo ng mga tagapagbantay ng mga pintuan:
Mula sa pamilya ni Kore, si Meselemias na anak ni Kora na miyembro ng pamilya ni Asaf, 2at ang pito niyang anak na lalaki: si Zacarias ang panganay, at ang kasunod ay sina Jediael, Zebadias, Jatniel, 3Elam, Jehohanan at Eliehoenai.
4Si Obed-edom ay may walong anak na lalaki din: si Semaias ang panganay, at ang kasunod ay sina Jehozabad, Joa, Sacar, Netanel, 5Amiel, Isacar at Peultai. Pinagpala ng Diyos si Obed-edom.
6Ang panganay na anak ni Obed-edom na si Semaias ay may mga anak na lalaki na may kakayahan at mga pinuno ng kanilang mga pamilya. 7Silaʼy sina Otni, Refael, Obed at Elzabad. Ang kanilang kamag-anak na sina Elihu at Semaquias ay may mga kakayahan din.
8Lahat sila ay mula sa angkan ni Obed-edom. Sila at ang kanilang mga anak at kamag-anak ay animnapuʼt dalawang lahat. Mahuhusay sila at may kakayahan sa paggawa.
9Ang labingwalong anak at mga kamag-anak ni Meselemias ay may mga kakayahan din.
10Si Hosa na mula sa pamilya ni Merari ay may mga anak din. Ginawa niyang pinuno si Simri kahit hindi siya ang panganay na anak. 11Ang sumunod kay Simri ay sina Hilkias, Tebalias at Zacarias. Labintatlong lahat ang anak at mga kamag-anak ni Hosa na mga tagapagbantay sa pintuan.
12Iginrupo ang mga tagapagbantay ng mga pintuan ayon sa pinuno ng kanilang pamilya, at may mga tungkulin sila sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, katulad ng kapwa nilang mga Levita. 13Nagpalabunutan sila kung aling pinto ang babantayan ng mga pamilya nila, bata man o matanda.
14Ang pintuan sa gawing silangan ang nabunot ni Selemias,#26:14 Selemias: O Meselemias. at ang pintuan sa gawing hilaga ang nabunot ng anak niyang mahusay magpayo na si Zacarias 15Ang pintuan sa gawing timog ang nabunot ni Obed-edom, at sa mga anak niyang lalaki ipinagkatiwala ang mga bodega. 16Ang pintuan sa gawing kanluran at ang pintuan paakyat sa templo#26:16 pintuan … paakyat sa templo: Sa Hebreo, Pintuan na Shaleket na daanan sa ibabaw. ang nabunot ni Supim at Hosa. Bawat isa sa kanilaʼy may takdang oras ng pagbabantay: 17Sa gawing silangan, anim na tagapagbantay ang nagbabantay araw-araw, sa gawing hilaga ay apat, sa gawing timog ay apat din, at sa bawat bodega ay tig-dadalawa. 18Sa gawing kanluran, apat ang nagbabantay, sa daanan paakyat sa templo ay apat din, at sa bakuran ay dalawa.
19Ito ang mga grupo ng mga tagapagbantay ng mga pintuan mula sa angkan nina Kora at Merari.
Ang mga Ingat-yaman at ang Iba pang mga Opisyal
20Ang ibang mga Levita#26:20 ibang mga Levita: Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, Ang Levita, si Ahias. na pinamumunuan ni Ahias ang katiwala sa mga bodega ng bahay ng Diyos, kabilang na ang mga bodega ng mga inihandog sa Diyos.
21Si Ladan ay mula sa angkan ni Gerson at ama ni Jehiel. Ang ilan sa mga miyembro ng kanyang pamilya ay mga pinuno ng kanyang mga angkan. 22Ang mga anak ni Jehiel na sina Zetam at Joel ang katiwala ng mga bodega ng templo ng Panginoon.
23Ito ang mga pinuno mula sa angkan ni Amram, Izar, Hebron at Uziel:
Mula sa angkan ni Amram, 24si Sebuel,#26:24 Sebuel: O Subael. na mula sa angkan ni Gerson, na anak ni Moises, ang punong opisyal sa mga bodega ng templo. 25Ang mga kamag-anak niya sa angkan ni Eliezer ay sina Rehabias, Jesaias, Joram, Zicri at Selomit.#26:25 Selomit: O Selomot.
26Si Selomit at ang kanyang mga kamag-anak ang katiwala sa mga bodega ng mga handog na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng mga pamilya, ng mga kumander ng libu-libo at ng daan-daang sundalo, at ng iba pang mga pinuno. 27Inihandog nila ang ibang nasamsam nila sa labanan upang gamitin sa templo ng Panginoon. 28Si Selomit din at ang kanyang mga kamag-anak ang nangalaga sa lahat ng mga inihandog ni Samuel na propeta, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruias. Ang iba pang mga inihandog ay ipinamahala din nila.
29Mula sa mga angkan ni Izar, si Kenanias at ang mga anak niyang lalaki ay naatasang maglingkod sa labas ng templo. Sila ang mga tagapangasiwa at mga hukom sa buong Israel.
30Mula sa angkan ni Hebron, si Hashabias at ang 1,700 kamag-anak niya na may mga kakayahan. Pinagkatiwalaan sila na mamahala ng mga lupain sa gawing kanluran ng Ilog Jordan. Sila ang nangangasiwa ng mga gawain ng Panginoon at ng hari sa lugar na iyon.
31Si Jerias ang pinuno ng angkan ni Hebron ayon sa talaan ng kanilang mga pamilya. Nang ika-40 taon ng paghahari ni David, siniyasat ang mga talaan, at natuklasan na may angkan si Hebron sa Jazer na sakop ng Gilead, at may mga kakayahan sila. 32Si Jerias ay may 2,700 kamag-anak na may mga kakayahan at mga pinuno ng mga pamilya. Sila ang pinamahala ni Haring David sa lahi ni Ruben, Gad at sa kalahating lahi ni Manases. Sila ang nangangasiwa sa lahat ng gawain ng Diyos at ng hari sa mga lugar na iyon.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Cronica 26: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in