1 Mga Cronica 18
18
Ang Mga Pagtatagumpay ni David
(2~Sam. 8:1‑18)
1Kinalaunan, natalo at sinakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya sa kanila ang Gat at ang mga baryo sa paligid nito.
2Natalo rin ni David ang mga Moabita, at sinakop niya sila at nagbayad sila ng buwis sa kanya.
3Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, hanggang doon sa Hamat, noong naglakbay si Hadadezer sa pagsakop sa mga lupaing malapit sa Ilog Eufrates. 4Naagaw nina David ang isang libo niyang karwahe, pitong libong mangangarwahe, at dalawampung libong sundalo. Pinilayan nina David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe maliban lang sa isandaang itinira nila.
5Nang dumating ang mga Arameo#18:5 Arameo: O taga-Syria. mula sa Damasco upang tulungan si Haring Hadadezer, pinatay nina David ang dalawampuʼt dalawang libo sa mga ito. 6Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damasco, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David kahit saang labanan siya magpunta.
7Kinuha ni David ang mga gintong kalasag ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. 8Kinuha rin niya ang maraming tanso sa Tibha#18:8 Tibha: O Tiblat. at Cun, mga bayang sakop ni Hadadezer. Kinalaunan, ang mga tansong ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng malaking sisidlan ng tubig na tansong kawang tinatawag na Dagat, mga haligi, at ng mga kagamitang tanso upang gamitin sa Templo.
9Nabalitaan ni Haring Tou#18:9 Tou: O Toi. ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Haring Hadadezer ng Zoba, 10pinapunta niya ang anak niyang si Hadoram#18:10 Hadoram: O Joram. kay Haring David upang kumustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer. Nagdala si Hadoram ng mga regalong gawa sa ginto, pilak, at tanso.
11Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na nasamsam niya mula sa mga sumusunod na bansa: ang Edom, Moab, Amon, Filistia at Amalek.
12Si Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng labingwalong libong Edomita sa Lambak ng Asin. 13Naglagay si David ng mga kampo sa Edom at naging sakop niya ang lahat ng Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumunta upang makipaglaban.
Ang mga Opisyal ni David
14Naghari si David sa buong Israel, na gumagawa ng matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 15Si Joab na anak ni Zeruias ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehosafat na anak ni Ahilud ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian. 16Si Sadoc na anak ni Ahitob at si Abimelec#18:16 Abimelec: Ganito sa ibang tekstong Hebreo, pero sa tekstong Syriac at Latin Vulgate, Ahimelec. na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang kalihim ay si Savsa.#18:16 Savsa: O Seraia. 17Si Benaias na anak ni Joiada ang pinuno ng mga Kereteo at Peleteo. At ang mga punong opisyal ni David ay ang kanyang mga anak na lalaki.
Kasalukuyang Napili:
1 Mga Cronica 18: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.