YouVersion Logo
Search Icon

Karunungan ni Solomon 11

11
Ang mga Israelita ay Pinangunahan ng Karunungan Habang Nasa Ilang
1Pinapagtagumpay#Exo. 15:22–17:16. din ng Karunungan ang mga Israelita noong panahon ng banal na propeta.
2Nilakbay nila ang mga ilang at nagtayo ng tolda
sa mga dakong hindi pa natitirhan ng tao.
3Hinarap nila ang kanilang mga kaaway at naitaboy ang mga ito.
4Nang sila'y mauhaw, tumawag po sila sa iyo, Panginoon,
at binigyan mo sila ng tubig, mula sa isang batong buháy.
5Ang mga pahirap na ginamit mo bilang parusa sa kanilang mga kaaway
ay pagpapala ring ginamit mo sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Ang Parusa sa mga Taga-Egipto
6Pinalabo mo ang mga bukal ng kanilang ilog na walang patid ang agos.
Bumaho ang tubig at namulang parang dugo.
7Iyon ang parusa sa utos nilang patayin ang mga sanggol ng iyong bayan.
Ngunit ang bayan mo'y binigyan mo ng masaganang tubig sa panahong hindi nila inaasahan,
8matapos silang magdanas ng uhaw sa ilang
upang matikman nila ang parusa na ginawa mo sa kanilang mga kaaway.
9Pinaraan mo sila sa mahigpit na pagsubok; bagaman ang parusang iyon ay may halong habag,
upang malaman nila kung paano mo pinahihirapan ang masasama, kapag nagalit ka at sila'y hatulan.
10Sila'y sinusubok mo bilang babala ng isang ama sa kanilang mga anak,
ngunit ikaw ang mahigpit na haring humatol sa mga kaaway.
11Malayo man o malapit sila sa iyong bayan, pare-pareho mo silang pinahihirapan.
12Sumidhi ang kanilang kalungkutan,
at naghinagpis sila habang inaalaala ang mga nangyari.
13Nang malaman nila na ang kanilang kaparusahan ay naging kapakinabangan sa iyong bayan,
nabatid nilang ang mga iyon ay mula sa iyo, Panginoon.
14Kinutya nila at ayaw pakitunguhan, ang lalaking itinapon noong sanggol pa,
ngunit pagkatapos ay hinangaan nila't kinagulatan.
Matinding di hamak ang uhaw na dinanas nila kaysa sa uhaw ng mga matuwid.
15Dala#Exo. 8:1-24; 10:12-15. ng kanilang kahibangan at masamang isipan,
sumamba sila sa mga ahas at hayop na walang isip.
Dahil dito, pinadalhan mo sila ng makapal na hayop na walang isip,
16upang malaman nila na ang mga bagay na kinakasangkapan nila sa pagkakasala ang siya mo ring ginagamit sa pagpaparusa.
17Ang makapangyarihan mong kamay
ang lumikha sa daigdig mula sa wala.
Madali kang makakapagpadala ng mababangis na oso at leon upang maparusahan sila.
18Maaari ka ring lumikha ng mababangis at di kilalang hayop
na bumubuga ng apoy at makapal na usok,
at ang mata'y nilalabasan ng apoy na parang kidlat.
19Maaari kang lumikha ng ganyang mga hayop, na di na kailangang sumalakay para pumatay.
Makita lamang ang mga ito, mamamatay na sila sa takot.
20Ngunit hindi na kailangan ang lahat ng iyan.
Maaari mo silang lipulin sa bagsik ng iyong katarungan,
o sa isang banayad na ihip ng iyong kapangyarihan.
Ngunit mas minabuti mong sukatin, bilangin at timbangin ang lahat mong ginagawa.
Makapangyarihan at Mahabagin ang Diyos
21Maipapakita mo ang iyong kapangyarihan anumang oras,
at walang sinumang makakatutol.
22Sa iyong paningin, para lamang isang butil ng buhangin na hindi halos makatikwas ng timbangan ang buong daigdig;
para lamang isang patak ng hamog sa umaga sa pisngi ng lupa.
23Labis-labis ang iyong kapangyarihan para gawin ang anuman, ngunit mahabagin ka sa bawat kinapal.
Pinatawad mo ang aming mga kasalanan, at binibigyan mo kami ng panahong makapagsisi.
24Mahal mo ang lahat ng bagay,
at wala kang hinahamak sa iyong mga nilalang.
Kung hindi gayon, bakit mo pa sila nilikha?
25Walang anumang bagay na mananatili kung hindi mo kalooban,
at walang makapagpapatuloy kung hindi mo nilalang.
26Ipinahintulot mong manatili ang bawat nilikha sapagkat bawat isa ay sa iyo.
Ang lahat ng nabubuhay ay mahal mo, Panginoon.

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy