Habakuk 2:2-14
Habakuk 2:2-14 ASD
Ito ang sagot ng PANGINOON kay Habakuk: “Isulat mo nang malinaw sa malalapad na bato ang pahayag na ito upang madaling basahin ng magpapahayag nito. Sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon. “Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan. At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. “Ngunit kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito, ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin?’ Biglang dadating ang inyong mga inutangan. Sasalakayin nila kayo at sasamsamin ang lahat ng inyong ari-arian, habang nanginginig kayo sa takot at walang kalaban-laban. Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan. “Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay. Ang mga bato sa pader ay sisigaw laban sa inyo, at sa mga biga ng bahay ay aalingawngaw ang mga hinaing. “Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo. Handa kayong pumatay upang itoʼy maitayo. Ngunit ang mga ipinatayo ninyo sa mga taong binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng PANGINOON ng mga Hukbo. Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng PANGINOON.





