YouVersion Logo
Search Icon

Pahayag 11

11
Ang Dalawang Saksi
1Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang Templo ng Diyos at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon. 2Ngunit huwag mong sukatin ang labas ng Templo dahil inilaan iyon para sa mga Hentil. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng apatnapuʼt dalawang buwan. 3Sa mga araw na iyon, isusugo ko roon ang dalawang saksi ko na nakasuot ng sako, at ipapapahayag nila ang mensahe ng Diyos sa loob ng 1,260 araw.”
4Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo#11:4 dalawang punong olibo: Tingnan sa Zac. 4:2‑14. at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo. 5Kung sinuman ang magtangkang manakit sa kanila, may apoy na lalabas sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang kaaway. Ganito pupuksain ang sinumang magtangkang saktan sila. 6May kapangyarihan silang isara ang kalangitan upang hindi umulan habang nagpapahayag sila ng propesiya. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig at magpadala ng lahat ng uri ng salot sa mundo kung kailan nila gusto.
7Pagkatapos nilang ipahayag ang mensahe ng Diyos, makikipaglaban sa kanila ang halimaw na galing sa kailaliman. Tatalunin at papatayin sila ng halimaw. 8Ang bangkay nila ay pababayaan sa lansangan ng tanyag na lungsod, ang lugar na pinagpakuan sa krus ng kanilang Panginoon. Ito rin ang lungsod na tinaguriang Sodoma at Ehipto. 9Sa loob ng tatloʼt kalahating araw, ang bangkay nila ay panonoorin ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi, angkan, wika at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga ito. 10Matutuwa ang mga tao sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng dalawang propetang ito. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo dahil namatay na ang dalawang iyon na nagpahirap sa mga tao sa mundo.
11Ngunit pagkalipas ng tatloʼt kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay mula sa Diyos.#11:11 Tingnan sa Eze. 37:5, 14. Bumangon sila, at ganoon na lang ang takot ng lahat ng nakakita sa kanila. 12Narinig ng dalawa ang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang tinitingnan sila ng kanilang mga kaaway, pumapaitaas sila sa langit sakay ng ulap.
13Nang oras ding iyon, lumindol nang napakalakas. Nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod, at pitong libo ang namatay. Nasindak ang natirang mga tao, at binigyang luwalhati ang Diyos sa langit.
14Natapos na ang pangalawang lagim, ngunit susunod pa ang ikatlo.
Ang Ikapitong Trumpeta
15Nang pinatunog ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, may narinig akong malalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Maghahari na ngayon sa buong mundo
ang ating Panginoon at ang kanyang Mesias.
At maghahari siya magpakailanman.”
16At ang dalawampuʼt apat na pinuno na nakaupo sa mga trono nila ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos. 17Sinabi nila,
“Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat,
kayo po ang Diyos noon,
at kayo rin ang Diyos ngayon.
Nagpapasalamat kami sa inyo
dahil ginamit na ninyo ang inyong kapangyarihan,
at nagsimula na kayong maghari ngayon sa mundo.
18Puno ng galit ang mga bansa,
at narito na ang inyong poot.
Panahon na upang hatulan ninyo ang mga patay
at gantimpalaan ang inyong mga lingkod na propeta,
at ang mga hinirang ninyong may takot sa inyo,
dakila man o hindi.
At panahon na rin upang lipulin
ang mga namumuksa sa mundo.”
19Pagkatapos, binuksan ang Templo ng Diyos doon sa langit, at naroon sa loob ang Kaban ng Tipan. Kumidlat, kumulog, umugong, lumindol at umulan ng yelo na parang mga bato.

Currently Selected:

Pahayag 11: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in