Salmo 69
69
Salmo 69
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na inaawit sa tono ng awiting, “Mga Liryo.”
1O Diyos, iligtas nʼyo ako
sapagkat tulad ako ng isang taong
malapit nang malunod.
2Tila lulubog na ako sa malalim na putik
at walang matutuntungan.
Para akong nasa laot
at tinatabunan ng mga alon.
3Pagod na ako sa paghingi ng tulong
at masakit na ang aking lalamunan.
Dumidilim na ang paningin ko
sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Diyos.
4Marami ang napopoot sa akin,
mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
Gusto nila akong patayin nang walang dahilan.
Pinipilit nilang isauli ang mga bagay
na hindi ko naman ninakaw.
5O Diyos, alam nʼyo ang aking kahangalan;
hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
6O Panginoon, ang Panginoon
ng mga Hukbo, Diyos ng Israel,
huwag sanang malagay sa kahihiyan
ang mga nagtitiwala
at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
7Dahil sa inyo, iniinsulto ako
at inilalagay sa kahihiyan.
8Parang ibang tao ang turing sa akin
ng mga kapatid ko,
parang isang dayuhan
sa aming sariling tahanan.
9Dahil sa labis-labis na pagmamalasakit ko
sa inyong bahay, halos mapahamak na ako.
Tuwing nilalait kayo ng mga tao,
nasasaktan din ako.
10Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno,
tinitiis ko ang pagpapahiya sa akin.
11Kapag nakadamit ako ng sako bilang pagdadalamhati,
ginagawa nila akong katatawanan.
12Pinagbubulung-bulungan din ako
ng mga nakaupo sa pintuang-bayan.
At ang mga lasing ay lumilikha
ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
Sa inyong tinakdang panahon,
sagutin nʼyo ang dalangin ko
ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway
na parang inililigtas nʼyo ako
mula sa malalim na tubig.
15Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon
o lamunin ng kailaliman
o makulong sa bibig ng kamatayan.
16Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
dahil sa inyong kabutihan
at pagmamahal sa akin.
Kahabagan nʼyo ako at bigyang-pansin.
17Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
Sagutin nʼyo agad ako sapagkat nasa kagipitan ako.
18Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.
19Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
at sumama ang loob ko.
Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
ngunit wala ni isa man.
21Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain
at nang akoʼy mauhaw, binigyan nila ako ng suka.
22Habang kumakain sila at nagdiriwang,
mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23Mabulag sana sila at laging manginig.#69:23 manginig: Ito ang nasa tekstong Hebreo. Sa Septuagint, magbaluktot.
24Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
upang wala nang tumira sa mga ito.
26Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap
na nararanasan ng mga ito.
27Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay#69:28 buhay: O mga may buhay na walang hanggan.
at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29Nasasaktan ako at nagdurusa,
kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Diyos.
30Pupurihin ko ang Diyos
sa pamamagitan ng awit.
Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31Kalulugdan ito ng Panginoon
higit sa handog na mga baka.
32Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
Lahat ng lumalapit sa Diyos ay magagalak.
33Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34Purihin ninyo ang Diyos
kayong lahat ng nasa langit,
nasa lupa at nasa karagatan.
35Dahil ililigtas ng Diyos ang Jerusalem#69:35 Jerusalem: O Zion.
at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
At doon titira ang kanyang mga mamamayan
at aariin ang lupain na iyon.
36Mamanahin ito ng kanilang lahi
at ang mga umiibig sa Diyos
ay doon maninirahan.
Currently Selected:
Salmo 69: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Awit 69
69
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
1O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4Silang#Awit 35:19; Jn. 15:25. napopoot nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9Ang#Jn. 2:17; Ro. 15:3. malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10Nagpapakumbabá akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
19Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21Sa#Mt. 27:48; Mc. 15:36; Lu. 23:26; Jn. 19:28-29. halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
22O#Ro. 11:9-10. bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.
24Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.
25Mga#Gw. 1:20. kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buháy.
26Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28Sa#Exo. 32:32; Pah. 3:5; 13:8; 17:8. aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.
29Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society