YouVersion Logo
Search Icon

Salmo 60

60
Salmo 60
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David pagkatapos ng kanyang pakikipaglaban sa mga taga-Aram Naharaim at sa mga taga-Aram-zoba at pag-uwi ni Joab mula sa pakikipaglaban at pagpatay sa 12,000 Edomita sa lambak na tinatawag na Asin. Inaawit ito sa tono ng awiting, “Liryo ng Kasunduan.”
1O Diyos, itinakwil nʼyo kami
at pinabayaang malupig.
Nagalit kayo sa amin
ngunit ngayon sanaʼy ipakita ninyo
ang inyong kabutihan.
2Niyanig nʼyo ang kalupaan
at pinagbitak-bitak,
ngunit kung maaari, ayusin nʼyo po sana
dahil itoʼy parang babagsak na.
3Labis-labis na hirap
ang ipinaranas ninyo sa amin
na inyong mamamayan.
Para nʼyo kaming nilasing sa alak
at ngayon kamiʼy sumusuray-suray.
4Ngunit para sa mga may takot sa inyo,
nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan
ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.
5Iligtas nʼyo kami at tulungan
sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga minamahal nʼyo
ay maligtas.
6O Diyos, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot
upang ipamigay sa aking mga mamamayan.
7Sa akin ang Gilead at Manases,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan#60:7 tanggulan: Sa literal, helmet.
at ang Juda ang aking tagapamahala.#60:7 tagapamahala: Sa literal, setro ng hari.
8Ang Moab ang aking utusan#60:8 utusan: Sa literal, planggana na panghugas ng mukha, kamay, at paa.
at ang Edom ay sa akin din.#60:8 sa akin din: O aking alipin. Sa literal, tapunan ko ng aking sandalyas.
Sisigaw ako ng tagumpay
laban sa mga Filisteo.”
9Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?
10Sino na ang makakatulong, O Diyos,
ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama
sa aming mga kawal.
11Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao
ay walang kabuluhan.
12Sa tulong nʼyo, O Diyos,
kamiʼy magtatagumpay
sapagkat tatalunin nʼyo
ang aming mga kaaway.

Currently Selected:

Salmo 60: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in