Salmo 33:12-22
Salmo 33:12-22 ASD
Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang PANGINOON. At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya. Mula sa langit ay minamasdan ng PANGINOON ang sangkatauhan. Mula sa kanyang luklukan, tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo. Siya ang humuhubog sa kanilang puso, at alam niya ang lahat ng kanilang ginagawa. Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal, at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas. Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan; hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan. Ngunit binabantayan ng PANGINOON ang mga may takot sa kanya, sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig. Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan, at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan. Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa PANGINOON. Siya ang tumutulong at nagtatanggol sa atin. Nagagalak tayo, dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan. PANGINOON, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig. Ang aming pag-asa ay nasa inyo.





