Salmo 22
22
Salmo 22
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Awit na isinulat ni David na inaawit sa tono ng awiting “Ang Usa sa Umaga.”
1Diyos ko, Diyos ko, bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap,
ngunit hindi nʼyo pa rin
ako tinutulungan.
2Diyos ko, araw-gabiʼy
tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3Ngunit banal ka,
at nakaluklok ka
sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4Ang aming mga ninuno
ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5Tinulungan nʼyo sila
nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad
at hindi tao.
7Bawat makakita sa akin
ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8“Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo,
bakit hindi ka niya tinulungan?”
9Ngunit kayo ang naglabas sa akin
sa sinapupunan ng aking ina,
at tinuruan nʼyo akong magtiwala sa inyo
kahit noong akoʼy sanggol pa lamang.
10Mula sa aking pagsilang,
akoʼy nakadepende na sa inyo,
mula si sinapupunan,
ikaw ang aking Diyos.
11Huwag po kayong maging malayo sa akin,
dahil ang kaguluhan ay malapit
nang dumating,
at walang ibang makakatulong sa akin.
12Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
tulad nilaʼy mga mababangis na toro
mula sa Bashan.
13Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14Nawalan ako ng lakas
na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto
ay parang nalinsad#22:14 nalinsad: Ang ibig sabihin ay nagsala ang buto. lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob,
para akong nauupos na kandila.
15Ang aking kalakasan ay natuyo
na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit
sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa
na parang isang patay.
16Pinapalibutan ako ng mga masasama,
para silang mga asong nakapaligid sa akin.
At tinusok nila ang aking mga kamay at mga paa.
17Naglalabasan na ang lahat
ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18Ang aking mga damit
ay kanilang pinaghati-hatian,
nagpalabunutan sila para sa aking
panloob na kasuotan.
19Ngunit kayo, Panginoon,
huwag po kayong maging malayo sa akin.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20Iligtas nʼyo ang buhay ko
sa espada ng aking mga kaaway
na tulad ng mga pangil ng aso,
21Iligtas nʼyo ako sa mga kuko ng leon,
o sungay ng toro.
Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22Ikukuwento ko sa mga kababayan ko
ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon,
kayo ay aking papupurihan.
23Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya
ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, sa inyo nagmumula
ang kasiglahan kong magpuri sa inyo
sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti
at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao
sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo
ang lahat ng mayayaman
sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal,
sila na babalik sa alikabok.
30Ang susunod na salinlahi
ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak
ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak
ay malalaman ang mga ginawa ninyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo
sa inyong mga mamamayan.
Currently Selected:
Salmo 22: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Awit 22
22
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
1O#Mt. 27:46; Mc. 15:34. Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7Pinagtatawanan#Mt. 27:39; Mc. 15:29; Lu. 23:35. ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8Sabi#Mt. 27:43. nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9Noong ako ay iluwal, Ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
16Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18Mga#Mt. 27:35; Mc. 15:24; Lu. 23:34; Jn. 19:24. damit ko'y kanilang pinagsugalan,
at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
19O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22Mga#Heb. 2:12. ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society