Salmo 144
144
Salmo 144
Awit na isinulat ni David.
1Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.
Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
2Siya ang aking Diyos na mapagmahal
at matibay na kanlungan.
Sa kanya ako kumakanlong
at humihingi ng kalinga.
Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
3 Panginoon, ano ba ang tao upang pagmalasakitan nʼyo?
Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?
4Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,
at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.
Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.
6Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat,
magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.
7Mula sa langit, abutin nʼyo ako
at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway
na mula sa ibang bansa,
na parang malakas na agos ng tubig.
8Silaʼy mga sinungaling,
sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan,
ngunit silaʼy nagsisinungaling.
9O Diyos, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.
10Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari
at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.
11Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan
ng mga dayuhang kaaway,
na hindi nagsasabi ng totoo.
Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan
ngunit silaʼy nagsisinungaling.
12Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki
ay maging katulad sila ng tanim
na tumutubong matibay,
at sana ang aming mga anak na babae
ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.
13Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani
ang aming mga bodega.
Dumami sana ng libu-libo
ang aming mga tupa sa pastulan,
14at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.
Hindi na sana kami salakayin
at bihagin ng mga kaaway.
Wala na rin sanang iyakan
sa aming mga lansangan
dahil sa kalungkutan.
15Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.
Mapalad ang mga taong ang Diyos ang kanilang Panginoon.
Currently Selected:
Salmo 144: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Awit 144
144
Pasasalamat sa Diyos sa Pagtatagumpay ng Hari
Katha ni David.
1Purihin si Yahweh na aking kanlungan,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
2Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
Tagapagligtas kong pinapanaligan,
nilulupig niya sakop kong mga bayan.
3O#Job 7:17-18; Awit 8:4. Yahweh, ano nga ba naman ang tao?
At pinagtutuunan mo siya ng pansin?
4Katulad ay ulap na tangay ng hangin,
napaparam siya na tulad ng lilim.
5Langit mong tahanan ay iyong hubugin, Yahweh, lisanin mo't bumabâ sa amin;
mga kabundukan ay iyong yanigin, lalabas ang usok, aming mapapansin.
6Ang maraming kidlat ay iyong suguin, lahat ng kaaway iyong pakalatin;
sa pagtakas nila ay iyong tudlain!
7Abutin mo ako at iyong itaas,
sa kalalimang tubig ako ay iligtas;
ipagsanggalang mo't nang di mapahamak sa mga dayuhang may taglay na lakas,
8Ubod sinungaling na walang katulad,
kahit ang pangako'y pandarayang lahat.
9O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
11Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
sila'y sinungaling, di maaasahan,
kahit may pangako at mga sumpaan.
12Nawa ang ating mga kabataan
lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
kahit saang sulok ng isang palasyo.
13At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14Mga kawan natin, sana'y dumami rin
at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!
15Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society